Overtime

NU UNGOS SA LA SALLE, TUMATAG SA 2ND SPOT

9 November 2026

NAITAKAS ng National University Bulldogs ang 84-80 panalo kontra De La Salle University Green Archers sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Ito ang ika-8 panalo ng Bulldogs sa 11 laro upang patatagin ang kanilang kapit sa ikalawang puwesto.

Mula sa pagkakaiwan ng hanggang walong puntos, nagawang bumangon ng Green Archers at muntik pang maagaw ang panalo nang bigyan ni Jacob Cortez ang La Salle ng 80-79 kalamangan.

Agad namang sumagot ang NU sa pamamagitan ng krusyal na tres ni Paul Francisco upang muling kunin ang bentahe, 82-80.

Tuluyan nang isinara ni PJ Palacielo ang pinto para sa La Salle nang maisalpak nito ang dalawang free throws, may apat na segundo na lamang sa orasan.

Nanguna si Reinhard Jumamoy para sa NU sa kanyang 21 puntos, anim na assists at limang rebounds. Nag-ambag naman si Mo Diassana ng 19 puntos at siyam na rebounds, habang may 14 puntos si Palacielo.

Bukod sa pagpapatatag sa ikalawang puwesto, nakabawi rin ang Bulldogs sa Green Archers sa pagkatalo sa kanilang unang paghaharap ngayong season.

Pinangunahan naman ni Andrei Dungo ang La Salle na may 19puntos. Nagdagdag sina Joaquin Tovera at Henry Agunnane ng tig-12 puntos, habang may tig-10 sina Jan Macalalag at Earl Abadam.

Bumagsak ang Green Archers sa 6-5 kartada, isang dagok sa kanilang paghahangad na makakuha ng magandang posisyon sa karera para sa Final Four.