SUMMER VACATION MAS PABOR SA MGA ESTUDYANTE — LAWMAKER
NANINIWALA si Senador Christopher ‘Bong’ Go na dapat nang ikonsidera ang pagbabalik ng summer vacation ng mga estudyante sa mga buwan ng Marso, Abril at Mayo.
Ipinaliwanag ni Go na tumitindi ang init ng panahon sa mga buwang ito dulot na rin ng climate change na posibleng magdulot ng hindi magandang kalusugan ng mga estudyante.
Iginiit ng senador na kapag pumapasok ang ganitong panahon, mahihirapan din ang mga estudyante na magpokus sa kanilang pag-aaral dahil hindi sila komportable dulot ng matinding init sa kanilang mga silid-aralan.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na hindi rin dapat balewalain ang naging resulta ng survey sa 11,000 na mga guro kung saan lumitaw na 67 percent ng public school teachers ang nakaranas ng hindi makayanang init ng panahon sa loob ng mga silid-aralan.
Kasabay nito, ipinaalala ni Go na hindi lahat ng classrooms sa ngayon ay may airconditioning unit at maging electric fan man lamang.
Samantala, tiwala naman ang senador na pinag-aaralan na ng Department of Education at maging ng Department of Tourism ang epektibong sistema para sa school calendar.
Ito ay dahil naaapektuhan din ang turismo kapag may pasok pa ang mga estudyante sa panahon ng summer na dapat ay karamihan ay naglilibot na sa mga tourist destination.