6-GAME WINNING STREAK NG MAPUA PINUTOL NG CSB
TINAPOS ng College of St. Benilde Blazers ang anim na sunod na panalo ng Mapúa University Cardinals sa pamamagitan ng makapigil-hiningang 71-69 panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Bukod sa pagputol sa ratsada ng Cardinals, nakabawi rin ang Blazers mula sa dalawang sunod na pagkatalo upang umangat sa 7-3 kartada sa Group A. Bumagsak naman ang Mapúa sa 6-4.
Ayon kay Blazers head coach Paolo Layug, naging mahalaga ang pagsisikap ng kanyang mga manlalaro matapos niyang hamunin ang mga ito na magpakita ng mas mahusay na laro.
“We were lucky and fortunate to take the win today. We’ll take it,” ani Layug. “We just had to be solid… I cant say some of the things I told the boys in the past few days but I really challenged them to step up today.”
Tila kontrolado na ng Blazers ang laro nang magsalpak si Justine Sanchez ng three-point shot upang ilayo ang Benilde sa 68-63 sa huling 1:37 minuto ng fourth quarter.
Ngunit hindi sumuko ang Cardinals. Bumanat si Cyrus Cuenco ng tres upang muling buhayin ang pag-asa ng Mapúa, subalit agad na sumagot si Sanchez para sa 70-66 bentahe ng Blazers, wala nang 30 segundo ang nalalabi.
Sa sumunod na opensa ng Cardinals, nakakuha si Cuenco ng foul at naipasok ang lahat ng tatlong free throws upang ilapit ang Mapúa sa 70-69, may 18 segundo pa sa orasan.
Naipasok ni Jhommel Ancheta ang isa sa kanyang dalawang free throws, sapat upang manatiling nasa unahan ang Benilde. Nagkaroon pa ng huling pagkakataon ang Mapúa na maagaw ang panalo, ngunit sumablay ang tres ni Cuenco.
Nanguna si Ian Torres sa Blazers sa naitalang 15 puntos, apat na assists at tatlong rebounds. Nag-ambag naman sina Ancheta at Raffy Celis ng tig-14 puntos upang tulungan ang Benilde na masungkit ang panalo.
Kumamada si Cuenco ng 21 puntos, tatlong assists at dalawang steals para sa Mapúa. Nagtala naman si Yam Concepcion ng 12 puntos at pitong rebounds, habang may tig-siyam na puntos sina Jamal Diaz at Marcus Nitura.