ONLINE LEARNERS BANTAYAN VS NPA RECRUITMENT — AFP, PNP
AMINADO ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na may posibilidad na malantad ang mga online learner sa paghimok ng New People’s Army na sumapi sa kanila.
Ito ay kasabay ng pagsisimula ng online mode of learning sa mga pampublikong paaralan sa Oktubre 5.
Sinabi nina AFP Chief of Staff, Gen. Gilbert Gapay at PNP Chief, Gen. Camilo Pancratius Cascolan na bagaman wala pang ulat na may na-recruit sa pamamagitan ng online ay posible ring magamit ang net world sa NPA recruitment.
Kaya naman nanawagan ang dalawang opisyal sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak habang nag-aaral gamit ang internet.
Makabubuti rin umano na makipag-ugnayan sa guro kung kinakailangan para maging updated sa online class transaction ng anak.
Ginawa ng dalawang heneral ang pahayag kasunod ng National Joint Peace and Security Coordinating Center Meeting sa Camp Crame na naglalayong himukin ang mga kabataan na huwag basta umanib sa anumang grupo.
Paliwanag pa nina Gapay at Cascolan na para sa seguridad ng mga kabataan ang kanilang ginagawa at kanilang haharangan ang ano mang tangka na umanib ang mga estudyante sa makakaliwang grupo na maaaring magresulta sa pagkasira ng kanilang pag-aaral.