Overtime

EAC NAKAISA RIN SA NCAA

30 September 2026

NAKOPO ng Emilio Aguinaldo College Generals ang kanilang unang panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament matapos pataubin ang San Sebastian College-Recoletos Golden Stags, 94-87, kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Naitala ng Generals ang kanilang unang panalo sa apat na laro para umakyat sa 1-3 kartada sa Group B, habang nanatiling walang panalo ang Golden Stags sa apat na laban.

Nagtayo ang Generals ng 10 puntos na kalamangan, 78-68, bago pumasok ang fourth quarter, ngunit hindi sumuko ang San Sebastian at muntik pang maagaw ang laro.

Naibaba ng Golden Stags ang agwat sa isang puntos, 83-82, may 5:46 minuto pa ang nalalabi, ngunit agad na sumagot ng limang sunod na puntos si EJ Castillo upang muling ilayo ang EAC, 88-82, may 4:37 sa orasan.

Muling lumapit ang San Sebastian sa 88-86, ngunit tuluyang isinara ng EAC ang laban sa pamamagitan ng 6-1 finishing run para makuha ang inaasam na unang panalo.

Ayon kay coach Jerson Cabiltes, mahalaga ang tagumpay matapos silang makaranas ng problema sa pagsasara ng mga naunang laro.

“I’m very glad with the first win but sa nakita ko, it was very tough,” ani Cabiltes. “Sa lahat ng games namin, first to third, we’re in the game and then we collapse in the fourth. This time, ‘di nangyari ‘yon.”

Nanguna sa opensa ng Generals sina Wilmar Oftana at Jacob Shanoda na kapwa nagtala ng 18 puntos. Nagdagdag si MJ Raymundo ng 17 puntos, habang may 12 si Harvae Raymundo.

Tanging si Nurben Muktimar ang umiskor ng double digits para sa San Sebastian, matapos magtala ng 12 puntos, limang rebounds, apat na assists at dalawang steals.