Overtime

UAAP: UST SOSYO SA LIDERATO

1 October 2026

NALUSUTAN ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang matinding paghahabol ng University of the East Red Warriors para maitakas ang 98-87 panalo kahapon sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Pinangunahan ni Mark Llemit ang Growling Tigers sa kanyang 22 puntos, habang nagdagdag sina Amiel Acido ng 16 puntos, Collins Akowe ng 14 puntos, 11 rebounds at limang blocks, at Landyn Jumawan ng 13 puntos.

Dahil sa ikalawang sunod na panalo, umakyat ang UST sa 2-1 record at sumalo sa ibabaw ng standings sa National University Bulldogs, University of the Philippines Fighting Maroons at Ateneo de Manila University Blue Eagles.

Limang puntos ang lamang ng Growling Tigers matapos ang first quarter bago nilampaso ng UST ang UE, 28-14, sa second quarter upang dalhin ang 52-33 kalamangan sa halftime.

Hindi naman sumuko ang Red Warriors at unti-unting binawasan ang malaking agwat sa fourth quarter.

Dalawang sunod na layup ni Cole Cruz-Dumont ang naglapit sa UE sa anim na puntos, 83-77, may 6:06 pa sa laro.

Ngunit hindi hinayaan ng Growling Tigers na tuluyang makumpleto ng Red Warriors ang comeback at pinanatili ang kontrol hanggang sa final buzzer.

Nanguna para sa UE si Toper Lagat na may 22puntos, habang nagtala si Mo Tanedo ng 16. May 12 puntos si Cruz-Dumont at 10 naman si Gene Carillo.

Bumagsak ang UE sa 0-4 at umabot na sa 24 ang kanilang losing streak na nagsimula pa noong UAAP Season 87.