MAPUA DINUNGISAN ANG ARELLANO
MINANTSAHAN ng Mapua University Cardinals ang perpektong marka ng Arellano University Chiefs sa NCAA Season 102 matapos ang 69-55 dominasyon sa Playtime FilOil Centr sa San Juan.
Mula sa tatlong sunod na pagkatalo sa pagsisimula ng kampanya, nakopo ng Cardinals ang ikalawang sunod na panalo upang umakyat sa 2-3 kartada.
Naging dikit ang laro sa unang dalawang quarter at tabla ang dalawang koponan sa 37-all pagsapit ng halftime.
Ngunit tuluyang nagbago ang takbo ng laban sa third quarter nang higpitan ng Mapua ang depensa at limitahan ang Arellano sa pitong puntos lamang.
Dahil dito, pumasok ang Cardinals sa fourth quarter na may 53-44 kalamangan at hindi na nila binitiwan ang kontrol hanggang sa tuluyang makuha ang 14-puntos na panalo.
Nanguna si Yam Concepcion para sa Mapua matapos magtala ng 22 puntos at 11 rebounds, habang naging mahalagang bahagi rin siya ng depensa ng koponan.
“Siya ‘yong leader ko sa court at anchor namin sa depensa,” ani coach Chito Victolero tungkol kay Concepcion. “[In the] last two games, nahirapan siya, pero I reminded him about calmness.”
Nag-ambag din si Ian Lazarte ng 17 puntos matapos bumuslo ng 6-of-9 mula sa field upang suportahan ang opensa ng Cardinals.
Samantala, naputol ang apat na sunod na panalo ng Arellano at bumagsak sa 4-1. Nanguna si Renzo Abiera sa Chiefs sa 13 puntos, habang may 10 si Yuan Camay. Limitado naman sa pitong puntos si T-Mc Ongotan.