Nation

KAPANGYARIHAN NG LOCAL SCHOOL BOARD PALALAKASIN

/ 21 December 2020

ISINUSULONG ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnulf Bryan Fuentebella ang panukala na magpapalakas sa kapangyarihan ng Local School Board sa promosyon o appointment ng mga guro sa mahahalagang posisyon.

Sa House Bill 3981, nais ni Fuentebella na amyendahan ang Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991.

Sa panukala, pinabibigyan ng kongresista ng kapangyarihan ang Local School Board na mamili sa mga nominado ng Department of Education na mga itatalagang Division Superintendents, District Supervisors, School Principals at iba pang school officials.

“It must be emphasized that in every undertaking, teamwork is an essential element of success. Certainly, this bill has all the necessary ingredients that will harmonize or build a stronger inter-governmental relationship,” pahayag ni Fuentebella sa kanyang explanatory note.

Ipinaalala pa ng mambabatas na layon ng Local Government Code na mabigyan ng malawak na kapangyarihan kaakibat ang reponsibilidad ang local government units sa mga usapin sa kanilang hurisdiksiyon.

Batay sa panukala, obligado ang DepEd na i-promote o italaga ang sinumang nominee na mapipili ng Local School Board.

Nakasaad din sa House Bill 3981 na mandato ng DepEd, katuwang ang Department of the Interior and Local Government at ang League of Provinces, Cities and Municipalities, na bumalangkas ng kaukulang implementing rules and regulations sa implementasyon nito.