HINDI TOTOO ANG MARTIAL LAW REBRANDING — VP SARA
HINDI totoo ang sinasabing rebranding ng ating kasaysayan, ayon kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio.
“Katulad ng milyon-milyon nating mga kapwa Pilipino, alam ko po ang kahalagahan ng Martial Law at EDSA Revolution sa ating kasaysayan bilang isang bansa,” wika ni Durterte sa kanyang opisyal na pahayag.
“Bilang bata, hindi ko mabilang ang mga yellow pages sa directory ng telepono na ginupit ko para gawing confetti ng mga Yellow Friday Movement demonstrations sa pangunguna ni Soledad Duterte, ang aking yumaong lola, sa Davao City. Mukhang mas marami tayong ambag sa mga pagkilos laban sa Martial Law kaysa sa ilang maiingay na anti-Marcos ngayon,” dagdag pa ng kalihim.
Bilang kalihim ng DepEd, wala, aniya, sa kanyang mandato ang pagsira sa integridad ng ating kasaysayan.
Dagdag pa niya na walang panahon ang kagawaran para sa historical revisionism dahil kasalukuyang abala ito sa mga programang naglalayong maiangat ang kalidad ng basic education sa bansa.
Aniya, ang mga terminong Bagong Lipunan at Martial Law ay parehong historical facts.
“It is a historical fact that New Society refers to the program launched by Former President Ferdinand Marcos Sr. during his administration. And it is another historical fact that Martial Law refers to the 14-year rule of the former President,” ani Duterte.
“Both terms have been used in DepEd textbooks since 2000 — within their proper context.
“DepEd is not in the business of erasing these facts and replacing them with something else,” dagdag pa ng kalihim.
Paliwanag ni Duterte na ang social media post ng isang mag-aaral mula sa Marinduque ukol sa paggamit ng isang DepEd module na may katagang New Society ay makikitang nakatutok lamang sa iisang linya.
“Hindi ipinakita ang buong pahina ng module. Ibig sabihin, kulang ito sa konteksto at maaari itong baluktutin ayon sa naratibo ng mga bumabatikos sa DepEd at nagpapakalat ng kasinungalingan tungkol sa rebranding at historical revisionism,” ani Duterte.
“Ang buong pahina ay malinaw na tumatalakay sa mahabang panahon ng batas militar o Martial Law at ng EDSA Revolution,” dagdag pa niya.
Hinihikayat din ng kalihim ang publiko na mag-ingat sa mga pagkilos na malisyoso at naglalayong pag-alabin ang mga damdamin ng ating mga kababayan laban sa Martial Law gamit ang kagawaran.