Overtime

UST, MAPUA MAINIT ANG SIMULA SA SSL UNITY CUP

27 September 2026

MATIKAS na sinimulan ng University of Santo Tomas Golden Tigresses at Mapua University Lady Cardinals ang kanilang kampanya sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Winalis ng Golden Tigresses ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 25-21, 25-12, 25-18, upang maagang maipakita ang kanilang lakas sa pre-season tournament.

Nanguna si Regina Jurado para sa Golden Tigresses na may 13 puntos, kabilang ang 12 attacks, para mapiling Player of the Game sa kanilang straight-set victory.

Nagpakitang-gilas din ang Lady Cardinals matapos dominahin ang Jose Rizal University Lady Bombers, 25-21, 25-14, 25-21.

Pinangunahan ni Raissa Ricablanca ang Lady Cardinals sa 11 puntos, kabilang ang 10 kills, upang itulak ang Mapua sa 90-minutong panalo.

Nag-ambag si Freighanne Garcia ng siyam na puntos, habang may pitong puntos si Franchesca Esteban at tig-lima sina Diandrah Yabut at Juliana Estudillo.

Naglista naman ng 16 puntos si JRU standout Nicole Deala, habang nagdagdag si Czarina Ramos ng walong puntos.