HARASSMENT SA 2 BABAENG CRIMINOLOGY INTERN INIIMBESTIGAHAN NG PNP
INIUTOS ng Philippine National Police (PNP) ang agarang imbestigasyon sa iniulat na pang-aabuso ng dalawang pulis laban sa dalawang babaeng criminology intern habang nagsasagawa ng kanilang internship sa isang istasyon ng pulisya sa Lungsod ng Cagayan de Oro.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang dalawang pulis na sangkot—isang police captain at isang police corporal na nakatalaga sa Police Station 7 sa Barangay Bulua—ay inalisan na ng kanilang mga armas at inilagay sa Personnel Holding and Accounting Section ng Cagayan de Oro City Police Office.
Alinsunod ito sa direktiba nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at DILG Secretary Jonvic Remulla na panatilihin ang disiplina at propesyonalismo sa hanay ng pulisya at tiyakin ang proteksiyon ng mga sibilyan sa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
“We take these allegations seriously. The PNP will ensure that the investigation is conducted fairly, promptly, and without interference, and that appropriate administrative and criminal charges will be pursued if the allegations are substantiated,” ani Nartatez.
Nangyari umano ang insidente noong Agosto 8 sa Police Station 7 at kinasasangkutan ng dalawang 21-anyos na babaeng criminology intern.
Nauna rito, inihayag ng Professional Criminologists Association of the Philippines (PCAP) na magsasagawa ito ng legal na aksiyon na maaaring humantong sa pagbawi ng lisensiya ng mga naturang pulis.
Inatasan ni Nartatez ang PRO-10 at Cagayan de Oro City Police Office na pabilisin ang imbestigasyon at magsumite ng kumpletong ulat.
Iniutos din niya sa Internal Affairs Service (PNP-IAS) na mahigpit na bantayan ang proseso upang matiyak ang pagiging patas at kawalan ng kinikilingan. Kasalukuyan ding ipinatutupad ang mga hakbang upang maprotektahan ang dalawang intern laban sa anumang pananakot o pagganti.
“We will not tolerate any abuse of authority or conduct that violates the dignity and rights of our interns, civilians, or fellow personnel. Those found responsible will be held accountable,” ani Nartatez.