Overtime

NCAA: JRU BALIK SA NCAA FINALS; EAC HUMIRIT NG SUDDEN DEATH

27 November 2026

MULING nakapasok sa finals ang Jose Rizal University Heavy Bombers matapos walisin ang Colegio de San Juan de Letran Knights sa kanilang best-of-three semifinals series sa NCAA Season 102.

Tinuldukan ng Heavy Bombers ang kampanya ng Knights sa pamamagitan ng 85-79 panalo sa Game 2 kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City para sa kanilang unang NCAA Finals stint sa loob ng 18 taon.

Nanguna si Chris Hubilla sa opensa ng JRU sa kinamadang 26 puntos, habang nagtala si Allen Laurenaria ng double-double na 21 puntos at 12 rebounds. Nag-ambag si Lawrence Mangubat ng 12 puntos.

Pinuri ni JRU head coach Nani Epondulan ang dedikasyon ng kanyang mga manlalaro, na aniya’y naglaan ng mahabang oras sa ensayo upang maabot ang kanilang layunin.

“Credits to the players. They worked hard sa practice kahit walang nanonood, nasa gym sila kahit inaabot sila ng madaling araw. Credit talaga sa kanila. Gusto talaga nila ‘to,” ani Epondulan.

Hindi naging madali ang panalo ng Heavy Bombers. Mula sa manipis na 72-71 kalamangan, nagpasiklab si Mangubat ng three-pointer upang palakihin sa 75-71 ang abante ng JRU, may 2:02 minuto pa sa laro.

Sumagot naman si Jimboy Estrada para sa Knights sa pamamagitan ng tres, ngunit agad na nagdagdag ng puntos sina Hubilla at Laurenaria upang maibalik sa limang puntos ang bentahe ng Bombers, 79-74.

Nagpakawala si Aaron Buensalida ng midrange jumper upang ilapit ang Letran sa 79-76, subalit naging kalmado ang JRU sa free-throw line at naipasok ang lahat ng anim na pagtatangka nito sa huling bahagi ng laban.

Nagtapos ang kampanya ng Letran sa pangunguna ni Buensalida na may 19 puntos. Nagdagdag si Estrada ng 18 puntos at 8 rebounds, habang may 12 puntos si Justin Cargo.

Samantala, nanatiling buhay ang pag asa ng Emilio Aguinaldo College Generals na makasampa sa NCAA finals sa unang pagkakataon matapos ang 75-64 pagsilat sa San Beda University Red Lions sa Game 2 ng semis.

Matapos na lumamang ng hanggang 22 puntos, naibaba ng Red Lions ang abante ng Generals sa 60-65, ngunit sumagot ang EAC ng mga krusyal na baskets mula kina Wilmar Oftana at Joseph Nunag upang iselyo ang panalo.

Nakatakda ang do-or-die Game 3 sa pagitan ng Generals at Red Lions sa Lunes sa kaparehong venue.

Iskor:

JRU (85) – Hubilla 26, Laurenaria 21, Mangubat 12, Eligado 6, Panapanaan 5, Garcia 5, Salvador 4, Palis 2, Garupil 2, Penaverde 2, Duque 0, Masiglat 0.

Letran (79) – Buensalida 19, Estrada 18, Cargo 12, Manalili 8, Santos 7, Walker 7, Gammad 5, Montecillo 3, Diamante 0, Reyes 0.

Quarterscores: 18-30, 32-44, 56-58, 85-79.