Overtime

UAAP: BAKBAKAN PARA SA FINAL FOUR SLOTS UMIINIT

24 November 2026

PAPASOK ang UAAP Season 89 men’s basketball tournament sa huling linggo ng eliminations na may tatlong koponang nag-aagawan para sa natitirang puwesto sa Final Four, kung saan posibleng madetermina ang ilang puwesto sa pamamagitan ng playoff.

Nangunguna sa karera ang University of the Philippines at National University na kapwa may 9-4 kartada, habang tabla naman sa ikatlong puwesto ang Far Eastern University at De La Salle University sa 8-5.

Nasa likod nila ang University of Santo Tomas, tangan ang 7-6 marka at umaasang makasingit pa sa semifinals.

Malaki ang nakataya sa huling laro ng UP at NU sa Sabado. Ang mananalo sa kanilang paghaharap ang makakakuha ng No. 1 seed at twice-to-beat advantage sa Final Four.

Samantala, ang matatalo ay sasabak sa playoff kontra sa mananalo sa sagupaan ng FEU at La Salle, na gaganapin din sa Sabado, para sa ikalawang puwesto sa semifinals.

Hindi rin ligtas sa posibilidad ng karagdagang playoff ang matatalo sa FEU-La Salle duel. Nakasalalay sa magiging resulta ng huling laro ng UST kontra Adamson bukas ang posibilidad na magkaroon pa ng labanan para sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four.

Kapag nagwagi ang UST, mananatiling buhay ang kampanya nitong makapasok sa semifinals at maaari pang madagdagan ang mga koponang sasabak sa playoff. Dahil dito, mahalaga rin ang magiging resulta ng laban ng Growling Tigers habang papalapit ang pagtatapos ng eliminations.

Ipinakita ng masikip na labanan ang pagiging pantay-pantay ng kompetisyon ngayong season, kung saan ilang koponan ang nanatiling may tsansang makapasok sa Final Four hanggang sa huling bahagi ng eliminations.

Ayon kay UP assistant coach Christian Luanzon, naging malinaw ang pagiging bukas ng labanan sa buong torneo, alinsunod sa temang “For Everyone” ng UAAP Season 89.

“Sabi n’yo nga ‘yung theme ng UAAP ngayon ‘For Everyone.’ Pretty much that has been the theme, pretty much the first 11, 12 games. I mean bago naging out of contention, especifically ang Ateneo and Adamson, all the way down to game number 12 or 13.”

Binigyang-diin din ni Luanzon na nananatiling matindi ang kompetisyon kahit nasa huling yugto na ng eliminations, dahil lima pang koponan ang naglalaban para sa Final Four.

“So, even now, pasok na tayo ng last game ng eliminations, still five teams are competing (for Final Four). Dalawa pa lang naman yung sigurado talaga. And that speaks volume in terms of yung competition ng UAAP,” dagdag niya.