Nation

EDUCATION CRISIS RAMDAM NA BAGO PA MAN ANG COVID19 PANDEMIC —GATCHALIAN

AMINADO si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na marami pang dapat gawin ang Department of Education para iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

/ 14 July 2021

AMINADO si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na marami pang dapat gawin ang Department of Education para iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Sa gitna ito ng paninindigan ni Gatchalian na bago pa man ang Covid19 pandemic ay ramdam na ang education crisis sa bansa.

“Tama kailangan talaga mag-double time, in fact ‘di lang double time, triple time dapat ang gawin ng pamahalaan. Dahil noon pa mang 2019 nasabi na nating mayroon tayong education crisis,” pahayag ni Gatchalian.

Iginiit ng senador na mahalagang magkaroon ng regular na reporma sa mga programa sa edukasyon upang matiyak ang pagsusulong ng kalidad.

“Importante ang reforms, kung parati nating gagawing pareho lang wala ring mangyayari sa ating education system,” dagdag ng senador.

Kasama rin, aniya, sa dapat pagtuunan ng pansin ang paglalaan ng sapat na pondo sa edukasyon at ang tamang paggastos na ilalaan dito.

“Hindi lang dapat tapunan ng pera. Tingnan din ang sistema, tingnan din po ang tinatawag nating mga proyekto o programa. Hindi ako naniniwala na kapag tumaas ang pondo, tataas din ang kalidad ng edukasyon. Ang importante rin saan natin ginagastos,” pagbibigay-diin ng mambabatas.