DEPED: SCHOOL DAMAGE NI ‘KRISTINE’ PUMALO NA SA P3.3-BILYON
UMABOT na sa P3.3 billion ang pinsala ni Severe Tropical Storm Kristine sa mahigit 38,000 eskuwelahan sa buong bansa, ayon sa Department of Education (DepEd).
Base sa partial data ng DepEd sa epekto ni ‘Kristine’, mangangailangan ng P2.7 billion para sa reconstruction mga klasrum na winasak ng bagyo, at P680 million para sa major repairs.
Ayon sa DepEd, kabuuang 2,700 klasrum ang totally damaged ni ‘Kristine’, habang 1,361 ang nagtamo ng partial damage.
May 861 eskuwelahan din ang nag-ulat ng secondary hazards tulad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa kabuuan, 38,333 eskuwelahan ang kinailangamg magsuspinde ng face-to-face classes dahil kay ‘Kristine’, na nakaapekto sa 19.4 milyong mag-aaral at 786,726 teaching and non-teaching personnel.
Sa kasalukuyan, 1,047 eskuwelahan ang ginagamit bilang evacuation centers.
Nauna na ring nagpahayag ng pagkabahala ang kalihim sa suspensiyon ng in-person classes dahil sa natural disasters dahil maaari itong magresulta sa paglawak ng learning losses.
“Actually, nababahala na kami. So, ginawa namin is pina-collate na namin ano ‘yung number of missed number of classes. Tapos ilan ‘yung na napilitan na ma-cancel. Of those, ilan na, let’s say, sabi mong nasa 20 ‘yun, ilan na ‘yung na-make up nung bata,” aniya.
“Baka umabot na kasi sa punto na sobrang dami na ‘yung na-miss na [klase] hindi na nila ma-recover. So ‘yun ang concern namin ngayon dahil parang napapadalas na ‘yung mga bagyo at talagang ang importante diyan ay hindi learning loss ang nangyayari. Talagang kahit nasa bahay, merong pakinabang para sa mga estudyante sana,” dagdag pa niya.
Ayon kay Angara, bahala na ang mga principal ng mga apektadong eskuwelahan kung kailangan nilang magsagawa ng Saturday classes para sa mga na-miss na klase.