Nation

DEPED CHIEF HUMABOL NG DEPENSA KINA TITSER VS CAGAYAN GOV. MAMBA

/ 12 October 2020

DINEPENSAHAN ni Education Secretary Leonor Briones ang mga public school teacher sa pahayag ni Cagayan Governor Manny Mamba na walang ginagawa ang mga ito at sumusuweldo lang.

“Hindi naman totoo na walang ginagawa ang mga teacher. Totoo na walang school for several months pero nag-undergo sila ng training,” sabi ni Briones.

“Iyong mga master teacher gumagawa ng mga modules at iyong kanilang mga superintendents nagre-report at nagmi-meet kasi wino-workout namin ang Learning Continuity Program. Hindi sila physically nagtuturo pero marami rin silang ginagawa para sa paghahanda nitong October 5 opening natin,” dagdag pa ng kalihim

Umani ng mga negatibong reaksiyon mula sa hanay ng mga guro ang mga naging pahayag ni Mamba sapagkat ayon sa kanila ay isa  itong insulto sa mga gurong dumaranas ngayon ng matinding stress at pagod dahil sa napakaraming trabaho at sa hindi nawawalang pangamba dulot ng pandemya.

Sa panayam kay Mamba sa radyo noong Oktubre 3, sinabi nito na, “Well sa tingin ko ay nag-eenjoy sila, nagsusuweldo sila wala naman silang ginagawa.”

Dagdag pa ng gobernador na dapat ay huwag nang magreklamo ang mga guro at paigtingin na lamang ang kanilang trabaho upang hindi naman malugi ang gobyerno.