Nation

14-DAY LOCKDOWN NG DEPED CENTRAL OFFICE INIHIRIT DAHIL SA PAGKASAWI NG 2 KAWANI

NAKIKIUSAP ang grupo ng mga non-teaching personnel sa pamunuan ng Department of Education na pansamantalang isara muna ang central office sa Pasig City upang ma-disinfect ang lugar kung saan dalawa na umano ang nasawi sa mga empleyado dahil sa Covid19.

/ 17 August 2020

NAKIKIUSAP ang grupo ng mga non-teaching personnel sa pamunuan ng Department of Education na pansamantalang isara muna ang central office sa Pasig City upang ma-disinfect ang lugar kung saan dalawa na umano ang nasawi sa mga empleyado dahil sa Covid19.

“Nakikiusap po kami na i-lockdown muna for 14 days ang central office para ma-contain ang pagkalat ng virus at hindi na mahawaan pa ang ibang skeletal workforce personnel na nagre-report physically,” sabi ni Atty. Domingo Alidon, pangulo ng DepEd National Employees’ Union sa eklusibong panayam ng The POST.

Nananawagan din ang grupo sa pamahalaan na isama sila sa libreng swab test.

“Yung mga personnel na gusto magpa-swab kung hindi man malibre ng DepEd ay masundo kasi medyo madami na nag-request wala sila masakyan,” sabi ni Alidon.

“Baka pwedeng mag-provide ang management ng transportation para sa mga gusto magpa-swab test kahit sila nalang daw magbayad, actually kasi hindi naman daw sila qualified na bayaran ng gobyerno kasi hindi daw priority. Kahit man lang ‘yung transportation ay mai-provide meron naman dyan mga sasakyan na hindi pa naihahatid sa mga kanya-kanyang probinsya,” dagdag pa nya.

Hiniling din ng grupo na itaas ang antas ng pangangailangan para sa swab testing, hindi lamang sa mga health workers, bagkus isama na rin ang mga skeletal workforce.

Dapat umano makipag-ugnayan ng pamunuan ng DepEd sa mga local government unit para sa libreng swab test sa mga empleyado nito.

“In fairness, sumusunod lang din ang Kagawaran sa Inter Agency Task Force, pero DepEd na ang magtulay sa pagtataas ng antas na i-include sa coverage ‘yun mga nagre-report sa work physically kahit pa asymptomatic,” pahayag pa ni Alidon.