UAAP: TOP SEED ANG UP
INANGKIN ng University of the Philippines Fighting Maroons ang No. 1 seed at twice-to-beat advantage sa Final Four ng UAAP Season 89 men’s basketball tournament matapos igupo ang National University Bulldogs, 77-67, kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtapos ang UP sa ibabaw ng standings na may 10-4 kartada at makakaharap ang mananalo sa playoff ng De La Salle University at University of Santo Tomas para sa kanilang semifinal assignment.
Matapos ang dikdikang labanan sa unang tatlong quarter, bumuwelo ang Fighting Maroons sa mga krusyal na sandali sa likod ng mga basket nina Reiner Maga, Dikachi Udodo, Jacob Bayla at Veejay Pre upang itarak ang 63-56 kalamangan.
Hindi naman sumuko ang Bulldogs at nagpakawala ng sunod-sunod na puntos upang idikit ang iskor sa 60-63.
Subalit agad na sumagot si Rey Remogat ng isang three-pointer bago nagdagdag ng mga puntos si Udodo sa ilalim ng basket upang selyuhan ang panalo ng UP.
Nanguna sina Udodo at Pre para sa Fighting Maroons na may tig-11 puntos. Nag-ambag naman sina Remogat at James Payosing ng tig-siyam na puntos, habang may tig-walong puntos sina Elliot Dimaculangan at Maga.
Nagtala si Tebol Garcia ng 14 puntos upang pangunahan ang NU, habang nagdagdag si Paul Francisco ng 11.
Bumagsak ang Bulldogs sa 9-5 kartada at haharapin ang Far Eastern University sa isang playoff para sa ikalawang puwesto at natitirang twice-to-beat advantage sa semifinals.
Samantala, isinalpak ni Jorick Bautista ang krusyal na three-pointer sa huling bahagi ng laro upang pangunahan ang Tamaraws sa 74-72 panalo kontra Green Archers.
Sa pamamagitan ng kanyang go-ahead basket, nasiguro ng Tamaraws ang mahalagang panalo at puwesto sa Final Four. Nagtapos si Bautista na may siyam na puntos, pitong assists, tatlong rebounds, isang steal at isang block.
Nanguna naman si Mo Konateh para sa FEU matapos magtala ng double-double na 21 puntos at 12 rebounds, habang nag-ambag din ng double-double ang rookie na si Cabs Cabonillas na may 12 puntos at 11 rebounds.
Nanguna sa Green Archers si Joaquin Tovera na may 18 puntos, habang nagtala sina Luis Pablo at Mason Amos ng 17 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod. Makakaharap nila ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa playoff para sa ikaapat na semis spot.