NCAA: SAN BEDA LUMAPIT SA FINALS
ISANG clutch basket mula kay Aldous Torculas ang nagdala sa San Beda University Red Lions sa 85-83 panalo kontra Emilio Aguinaldo College Generals sa Game 1 ng NCAA Season 102 men’s basketball best-of-three semifinals kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tabla ang iskor sa 83-83, nagpakawala si Torculas ng fadeaway jumper sa ibabaw ng depensa ni Jude Bagay upang ibigay sa Red Lions ang 85-83 kalamangan, may 3.1 segundo na lamang sa orasan.
Ayon kay San Beda head coach Yuri Escueta, sinadya nilang ubusin ang oras bago ipagkatiwala kay Torculas ang huling opensa ng defending champions.
“We just made sure to take the last shot, even with 27 seconds left, we wanted to melt the clock and yes, kay Aldous talaga ‘yon,” ani Escueta. “Last second, we just gave it to him and gave him space.”
Tila kontrolado na ng Red Lions ang laban matapos palobohin sa 78-65 ang kanilang kalamangan sa fourth quarter, kasunod ng three-pointer ni Kyle Jamora, may 6:41 pa ang nalalabi.
Ngunit hindi nagpatinag ang Generals at nagpakawala ng 18-5 run upang maitabla ang laban sa 83-83. Isinalpak ni Joseph Nunag ang basket, may 28 segundo na lamang upang itabla ang laban.
Nagkaroon pa ng pagkakataon ang EAC na maipuwersa ang overtime, ngunit sumablay ang mid-range attempt ni Nunag mula sa kanang bahagi ng court sa mga huling segundo. Nagtapos siya na may 14 puntos at 6 rebounds.
Nanguna si Bismarck Lina sa San Beda na may 17 puntos at 5 rebounds, habang nagdagdag si Jimmy Reyes ng 16 puntos. May tig-10 puntos naman sina John Bonzalida at RC Calimag.
Nagtala ng 18 puntos si EJ Castillo para sa Generals. Nag-ambag din sina Bagay ng 14 puntos at MJ Raymundo ng 11.
Sa panalo, nakalamang ang defending champion sa serye at isang tagumpay na lamang ang kailangan upang makabalik sa championship round ng NCAA Season 102.
Iskor:
SAN BEDA (85) – Lina 17, Reyes 16, Torculas 11, Bonzalida 10, Calimag 10, Jamora 7, Ugaddan 6, Etulle 4, Marcelo 4.
EAC (83) — Castillo 18, Bagay 14, Nunag 14, M. Raymundo 11, H. Raymundo 6, Shanoda 5, Ochavo 4, Oftana 4, Sealey 4, Coronel 3.
Quarterscores: 24-19, 47-42, 70-63, 85-83.