Overtime

IKA-10 UAAP CHEERDANCE CROWN SA NU PEP SQUAD

22 November 2026

PINATATAG ng National University  Pep Squad ang kanilang katayuan bilang pinakamatagumpay na koponan sa kasaysayan ng UAAP Cheerdance Competition matapos masungkit ang ika-10 kampeonato sa Season 89 kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sa harap ng 21,126 manonood, ipinamalas ng NU ang isang halos perpektong performance na hango sa kagubatan ng Japan at sinaunang kultura ng Mexico upang makumpleto ang three-peat sa prestihiyosong kompetisyon.

Ang kanilang routine ay tinampukan ng mahihirap na stunts, sunod-sunod na tumbling at maayos na mga pormasyon. Isa sa mga naging tampok ang kahanga-hangang aerial flips sa ibabaw ng pyramid bago lumipat sa panibagong formation, na nagpasigla sa buong arena.

Dahil sa tagumpay, lalo pang inilayo ng NU ang sarili sa iba pang paaralan bilang may pinakamaraming titulo sa UAAP cheerdance. Tumanggap ang koponan ng kabuuang P100,000 mula sa UAAP at Yamaha — P50,000 bawat isa.

Naging matagumpay rin ang University of the East  Pep Squad matapos wakasan ang matagal nitong paghihintay para muling makapasok sa podium, nang makuha ang ikalawang puwesto sa pamamagitan ng pagtatanghal na hango sa dinastiya ng sinaunang China.

Sa tulong ng kanilang dragon at lion-inspired presentation, nakamit ng Red Warriors ang silver medal, ang una nilang podium finish mula pa sa Season 80 noong 2017.

Nakuha naman ng Far Eastern University Cheering Squad ang ikatlong puwesto sa pamamagitan ng pagtatanghal na nagbigay-buhay sa kuwento nina Aladdin at Jasmine.

Pinagsama ng Tamaraws ang sayaw at mga elemento ng cheerleading sa kanilang interpretasyon ng klasikong kuwento, na nagdagdag sa kanilang koleksiyon ng medalya. Ito na ang ika-24 nilang medalya sa taunang kompetisyon.

Hindi lamang kampeonato ang naiuwi ng NU matapos makuha rin nito ang tatlong special awards: Cobra Rise Energy Pop Energizing Award, mWell Healthy Moves Award at Skechers Performance in Style Award. May katumbas itong karagdagang P60,000 at mWell smartwatches.

Wagi rin ang UE sa tatlong special awards na kinabibilangan ng Cetaphil Fresh Dance of the Season, Yamaha Most Unique Dance Moves at Hana Slow Down. Shine On. Award, na nagkakahalaga ng kabuuang P120,000.

Nakuha ng FEU ang Ford Electrifying Tumbling Pass Award at P50,000, habang iniuwi naman ng UP Varsity Pep Squad ang Chingu Cafe Bestie Award at P30,000.