ESTRADA ISINALBA ANG LETRAN VS PERPETUAL HELP
ISINARA ng Colegio de San Juan de Letran Knights ang kanilang kampanya sa eliminations ng NCAA Season 102 men’s basketball sa pamamagitan ng 85-83 panalo kontra University of Perpetual Help Altas kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Muling naging sandigan ng Knights si Johnsherick Estrada matapos isalpak ang krusyal na three-pointer sa mga huling segundo upang ihatid ang Letran sa 9-4 rekord at panatilihin ang pamumuno sa Group B.
Nahabol pa ng Altas ang kalamangan ng Knights at umabante sa 83-82, matapos maipasok ni JM Tulabut ang isang jump shot.
May 6.9 segundo pa ang natitira nang hawakan ng Letran ang bola para sa huling opensa. Hindi nag-aksaya ng panahon si Estrada at pinakawalan ang isang tres na pumasok, may 2.2 segundo na lamang sa orasan upang muling ibigay sa Knights ang kalamangan at selyuhan ang panalo.
Tumapos si Estrada na may 19 puntos, 4 assists, at 3 rebounds. Nagtala rin si Chad Gammad ng 19 puntos, 3 rebounds at 3 assists.
Ayon kay Estrada, determinado ang koponan na makabawi matapos ang naunang kabiguan sa Emilio Aguinaldo College.
“Nasaktan talaga kami sa last game namin sa EAC. Nagprepare kami para dito sa Perpetual,” aniya. “Sabi ko at namin sa coaches namin na babawi kami. Hindi puwedeng hindi kami bumawi.”
Nag-ambag sina Justin Cargo at Kevin Santos ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Knights.
Sa panig ng Perpetual, nagtala si Tulabut ng 12 puntos habang nagrehistro si Gelo Gelsano ng double-double na 11 puntos at 10 rebound. Sa kabila ng pagkatalo, nagtapos sila sa ikaapat na puwesto sa Group B na may 4-9 kartada.