ALAS SUSPENDIDO NG 2 LARO
PINATAWAN ng UAAP ng dalawang larong suspensiyon si Ateneo de Manila University head coach Louie Alas dahil sa naipong mga paglabag sa regulasyon ng liga at hindi magandang asal matapos ang mainitang sagupaan ng Blue Eagles at University of the Philippines noong Sabado sa Season 89 men’s basketball tournament.
Hindi makakapagtimon si Alas sa Ateneo sa mga laban kontra Adamson University sa Miyerkoles, Nobyembre 11, at University of Santo Tomas sa Linggo, Nobyembre 15. Parehong gaganapin ang mga laro sa Smart Araneta Coliseum.
Nagmula ang unang suspensiyon sa insidente noong unang quarter ng kanilang laban kontra UP.
May 3:55 minuto pa ang nalalabi sa yugto nang pumasok si Alas sa playing court upang kuwestiyunin ang hindi pagtawag ng foul ng mga referee.
Sa kabila ng babala ng pinakamalapit na referee na bumalik sa sideline, nanatili sa loob ng court ang Ateneo coach, dahilan upang patawan siya ng technical foul dahil sa unsportsmanlike conduct.
Ang ikalawang suspensiyon ay kaugnay naman ng kanyang naging asal matapos ang naturang laban, partikular ang komprontasyon niya kay UP forward Jacob Bayla kasunod ng endgame dunk ng huli.
Wala pang isang segundo sa orasan nang pumasok si Alas sa court, dinuro si Bayla at paulit-ulit na nagbitaw ng masasamang salita laban sa manlalaro ng Maroons. Inulit din niya ang pagturo at pagmumura kay Bayla sa kanilang postgame handshake.
Nakipagtalo rin si Alas kay UP assistant coach Christian Luanzon sa kabila ng pagsisikap ng coaching staff ng Maroons na pakalmahin ang sitwasyon.
Ayon sa UAAP Commissioner’s Office, lalo pang nagpainit sa tensiyon ang mga ginawa ni Alas at nanganganib na humantong sa pisikal na komprontasyon ang insidente.
Binanggit din ng liga ang naunang paglabag ni Alas sa laro ng Ateneo kontra UST noong Oktubre 17.
May 5:15 minuto pa sa ikatlong quarter nang tangkain ng coach na gambalain si UST guard Amiel Acido habang tumitira ng corner three-pointer. Matapos maipasok ni Acido ang tres, hinawakan pa ni Alas ang likod ng manlalaro.
Bagama’t hindi nakita ng mga opisyal ng laro ang insidente, sinuri ito ng Commissioner’s Office sa pamamagitan ng video footage at nagpataw ng kaukulang parusa alinsunod sa UAAP House Rules at mga regulasyon ng FIBA.
Nauna nang nagsilbi si Alas ng isang larong suspensiyon noong Oktubre 10 matapos makaipon ng tatlong paglabag. Alinsunod sa patakaran ng UAAP, ibinaba sa dalawa ang kanyang bilang ng infractions matapos pagsilbihan ang unang suspensiyon.
Bago magsimula ang ikalawang round, naglabas din ang liga ng memorandum na nagpapaalala sa lahat ng coaches na umiwas sa pakikipagkomprontasyon sa mga kalabang manlalaro at panatilihin ang diwa ng sportsmanship, respeto at patas na paglalaro.
May karapatan namang umapela ang Ateneo de Manila University sa ipinataw na dalawang larong suspensiyon kay Alas.