Overtime

NCAA: SAN BEDA NIRESBAKAN ANG MAPUA

30 October 2026

NAITAKAS ng San Beda University Red Lions ang 61-57 panalo kontra Mapua University matapos mapigilan ang paghahabol ng Cardinals sa NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Nahila ng nagdedepensang Red Lions sa tatlong sunod ang kanilang panalo tangan ang 8-3 rekord para makatabla sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa ibabaw ng Group A.

Nakabawi rin ang San Beda sa naunang 54-55 kabiguan sa Mapua sa first round, habang pinatatatag ang kanilang kampanya para makamit ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

Nanguna ang Cardinals sa unang dalawang quarter sa pangunguna ni Cyrus Cuenco, na kumamada ng 11 puntos upang itayo ang 30-23 kalamangan pagpasok ng halftime.

Ngunit bumawi ang Red Lions sa ikatlong quarter sa pangunguna nina Dan Marcelo at JC Bonzalida. Umiskor ang San Beda ng 22 puntos sa naturang yugto habang nilimitahan ang Mapua sa anim lamang upang kunin ang 45-36 bentahe bago ang huling quarter.

Sinikap ni Cuenco na buhayin ang opensa ng Cardinals sa fourth quarter matapos magpasok ng tatlong sunod na three-pointer, dahilan upang makalapit ang Mapua sa 51-50 sa nalalabing apat na minuto.

Muling nakalamang ng limang puntos ang San Beda sa pamamagitan ng mga free throw, ngunit tumugon si Jamal Diaz ng isang tres upang manatiling dikit ang laban sa 55-53. Nagawang palobohin ni Andrei Ugaddan ang bentahe ng San Beda sa pamamagitan ng mga free throw.

Nanguna si Marcelo sa Red Lions na may 16puntos, habang nagdagdag si Bonzalida ng 10.

Nagtala naman si Cuenco ng 23 puntos para sa Cardinals, habang may 12 si Yam Concepcion. Gayunman, hindi ito naging sapat upang maiwasan ng Mapua ang ikalawang sunod na pagkatalo. Laglag sila sa 6-5 marka.