CARDINALS NATAKASAN ANG KNIGHTS SA OT
NAIPOSTE ng Mapua University Cardinals ang ikaapat na kabit na panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball matapos ang 69-67 overtime win laban sa Colegio de San Juan de Letran Knights kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Matapos na bigong maprotektahan ang kanilang 15 puntos na kalamangan sa regulation, agad na kumasa ang Cardinals sa overtime mula sa baskets nina Marcus Nitura at Lance Nitura para sa 68-64 abante.
Nagpalitan ng split free throw sina Justin Cargo ng Letran at Sebastian Reyes ng Mapua para sa 69-65 score bago ito ibinaba ng Knights sa 67-69 sa basket ni Justine Hugo.
Matapos ang mintis na tira ng Cardinals, nagkaroon pa ng pagkakataon ang Knights na makahirit pa ng extension ngunit nagmintis ang huling basket ni Hugo.
Nagtapos ng may tig-11 puntos sina Lance, Yam Concepcion, Ivan Lazarte, Marc Cuenco, at Jamal Diaz para sa Cardinals, na umangat sa 4-3 kartada matapos ang 0-3 panimula.
Nanguna naman si Chad Gammad para sa Knights sa kanyang 18 puntos, kabilang ang apat na tres, habang may 13 at 10 naman sina Johnsherick Estrada at Cargo. Laglag sila sa 4-3 marka.