UST WINALIS ANG MAPUA SA SSL UNITY CUP
NANATILING walang talo ang University of Santo Tomas Golden Tigresses matapos walisin ang Mapua University Lady Cardinals, 25-15, 25-20, 25-21, sa 2026 Shakey’s Super League Unity Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinangunahan ni Ashley Knop ang Golden Tigresses sa kinamadang 13 puntos mula sa 10 attacks at tatlong blocks, dahilan upang tanghaling Player of the Match. Angat ang UST sa 2-0 karta sa Group B.
Hindi na pinayagan ng UST na makaporma ang Lady Cardinals at tuluyang isinara ang laban sa tatlong set. Bumagsak naman sa 1-1 ang Mapua.
Samantala, pinataob ng University Perpetual Lady Altas ang San Beda University Lady Red Spikers sa isang limang-set na sagupaan, 28-30, 25-19, 23-25, 25-17, 16-14.
Naging sandigan ng Perpetual si Jemalyn Menor, na kumana ng 25 puntos mula sa 23 attacks, isang block at isang service ace upang hiranging Player of the Match.
Nagpalitan muna ng set ang dalawang koponan bago nanaig ang Lady Altas sa deciding set, kung saan kinailangan nilang umiskor ng 16 puntos upang tuluyang makumpleto ang panalo.
Umangat sa 1-1 ang Perpetual sa Pool A, habang nanatiling walang panalo ang San Beda sa dalawang laro sa 0-2 rekord.