LADY TAMS WINALIS ANG LADY STAGS, SOLO LEADER SA SSL UNITY CUP
IPINAMALAS ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang lakas nito matapos dominahin ang San Sebastian College-Recoletos Lady Stags, 25-14, 25-16, 25-21, sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinangunahan ni Lovely Lopez ang Lady Tamaraws, na nagpakawala ng siyam sa kanyang kabuuang 13 puntos sa third set upang pigilan ang tangkang pagbangon ng Lady Stags at tapusin ang laban sa loob lamang ng 75 minuto.
Nagtala si Lopez ng 11 attack points, isang service ace at isang kill block, bukod pa sa tatlong digs upang masungkit ng Lady Tamaraws ang ikalawang sunod na panalo at ang solong liderato sa Pool C.
Ayon kay Lopez, nakatuon ang kanilang pagsasanay sa mas maayos na serve-receive at pagpapalawak ng mga opsiyon sa kanilang opensiba.
“Pinag-igihan lang namin ‘yung serve-pass namin, ‘yun ang wino-work out namin. And ‘yung kung papaano kami mag-spike, kung paano namin lalagyan ng option ‘yung spike na gagawin namin,” ani Lopez.
Nagdagdag sina Mitzi Panangin at Alyzza Devosora ng tig-anim na puntos, habang may limang puntos si Kyle Pendon para sa FEU.
Malaki ang naging bentahe ng Lady Tamaraws sa opensa, matapos magtala ng 41 attack points laban sa 24 lamang ng San Sebastian. Nahirapan din ang Lady Stags sa kanilang execution matapos makagawa ng 23 errors, kabilang ang service error na tuluyang nagbigay ng panalo sa FEU.
Naging mas mahigpit ang palitan sa third set nang makalapit ang San Sebastian sa 9-12 matapos makapagtala ng apat na sunod na puntos at mabawasan ang dating pitong puntos na kalamangan ng FEU.
Gayunman, pinutol ni Lopez ang ratsada ng kalaban sa pamamagitan ng down-the-line kill upang maibalik sa ayos ang Lady Tamaraws.
Nag-ambag si Audrey Santos, anak ni dating PBA star Arwind Santos, sa pagtatangka ng FEU na tapusin agad ang laban matapos ilapit ang koponan sa panalo sa 24-19.
Nakapagtala pa ng dalawang sunod na puntos ang Lady Stags bago nakagawa ng service error at ibinigay ang panalo sa FEU.
Pinangunahan ni Juna Gonzales ang San Sebastian sa kinamadang 13 puntos mula sa 12 attacks at isang ace, habang anim na puntos lamang ang naitulong ni Liana Fabella. Bagsak sila sa 1-1 marka.