6 BAGONG KOPONAN SWAK SA NAASCU
ANIM na bagong koponan ang lalahok sa pagbubukas ng ika-24 season ng National Athletics Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa Oktubre 21 sa Makati Coliseum.
Inihayag ni NAASCU basketball commissioner at head of operations Cris Bautista ang mga bagong miyembro ng liga sa Philippine Sportswriters Association Forum kahapon sa Philippine Sports Commission media room.
Ang mga ito ay ang ICI College, Gardner College, Philippine International College, Bestlink College, St. Bernadette of Lourdes College at Regis Marie College.
Inaasahang magiging mas kompetitibo ang basketball tournament dahil hindi lamang basta sasali ang mga bagong koponan, kundi nais din nilang patunayan ang kanilang kakayahan laban sa mga beteranong miyembro ng liga.
“It’s exciting because the new members want to prove something,” ani Bautista.
Pangungunahan ng eight-time defending champion St. Clare ang mga dating kasapi ng NAASCU, kasama ang Enderun Colleges, Our Lady of Fatima University, New Era University, University of Makati, Manuel L. Quezon University, Philippine Christian University at City University of Pasay.
Bitbit ng bagong season ang temang “Beyond Greatness. Together, We Move Forward.”
Basketball ang magiging tampok sa unang bahagi ng kompetisyon na tatakbo hanggang Disyembre. Sa unang bahagi naman ng susunod na taon, ililipat ang atensiyon sa volleyball, table tennis, badminton, chess, taekwondo at cheerdance.
Kinatawan ni Bautista si NAASCU chairman Dr. Jay Adalem sa naturang forum na inihandog ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO at ArenaPlus.
Ayon kay Bautista, hindi dapat maliitin ang mga bagong koponan dahil may kani-kanila silang karanasan sa kompetisyon.
“Hindi sila basta-basta because they are champions in their own leagues. I heard Gardner College won a tournament in Indonesia,” ani Bautista.
Labing-apat na koponan ang hahatiin sa dalawang grupo para sa elimination round. Mula rito ay uusad ang mga mangungunang koponan sa quarterfinals, semifinals at finals.
Ang mga beteranong koponan ay inayos batay sa kanilang ranggo noong nakaraang season, habang isinagawa naman ang bunutan para matukoy ang grupo ng mga bagong miyembro.
“The old teams were divided based on their rankings last year and then we drew lots for the new teams,” sabi ni Bautista.
Gaganapin ang mga laro mula Lunes hanggang Biyernes para sa seniors, women’s at juniors divisions habang isinasagawa ang basketball tournament.