BACK-TO-BACK V-LEAGUE CROWNS DINAGIT NG LADY FALCONS
IPINAGPATULOY ng Adamson University Lady Falcons ang kanilang dominasyon matapos pataubin ang University of Santo Tomas Golden Tigresses, 25-23, 23-25, 26-24, 25-15, sa Game 2 upang kunin ang ikalawang sunod na kampeonato sa V-League Collegiate Challenge kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Hindi naging madali ang kampanya ng Lady Falcons sa pagtatangka ng Golden Tigresses na maipuwersa ang mas mahigpit na laban. Gayunman, nanaig ang Adamson sa mga krusyal na sandali bago kumawala sa fourth set upang isara ang serye.
Nagbalik-aksiyon si Shaina Nitura para sa Adamson matapos magpahinga sa Game 1 kasunod ng kanyang tungkulin sa Alas Pilipinas sa Asian Games. Nakatulong ang kanyang pagbabalik upang mapalakas ang opensa ng Lady Falcons sa pagtatapos ng serye.
Nag-ambag din sina Frances Mordi, Joy Aseo at Lana Barrera sa opensa ng Adamson, lalo na sa mahigpit na palitan ng puntos sa unang tatlong set.
Nagpalitan ng panalo sa unang dalawang set ang magkabilang koponan bago inangkin ng Lady Falcons ang ikatlong set, 26-24.
Tuluyang kinontrol ng Adamson ang fourth set at nilimitahan ang UST sa 15 puntos upang selyuhan ang panalo at mapanatili ang korona.
Gayunman, nabahiran ng pangamba ang kampanya ng Lady Falcons matapos magtamo ng injury ang setter na si Felicity Sagaysay sa first set at mapilitang umalis sa laro.
Sa kabila ng dagok, nanatiling kalmado ang Adamson at nagpatuloy sa kanilang laban hanggang makumpleto ang matagumpay na pagdepensa sa kampeonato.