Overtime

GILAS GIRLS UNGOS SA NEW ZEALAND, ABANTE SA ASIA CUP PLAY-IN

7 October 2026

BUMANGON ang  Gilas Pilipinas Girls mula sa mabagal na simula upang pataubin ang New Zealand, 69-64, sa FIBA U18 Women’s Asia Cup 2026 kahapon sa Karisma Arena sa Seremban, Malaysia.

Naiwan ang Pilipinas ng siyam na puntos sa halftime bago bumawi sa third quarter sa likod ng 18-4 scoring run upang agawin ang momentum at idikit ang laro.

Naging susi sa huling minuto si Rhiane Perez matapos niyang ipasok ang go-ahead layup habang nakakuha rin ng foul para ilagay ang Pilipinas sa unahan, 65-64, may 49.8 segundo na lamang sa laro.

Mula roon, naging matatag ang depensa ng Gilas Girls at nakakuha ng mahahalagang free throws sina Zaydhen Rosano at Grace Curley sa huling 24 segundo upang tuluyang isara ang laro.

Sa panalo, nagtapos ang Pilipinas sa ikatlong puwesto sa Group A na may 1-2 rekord at umabante sa Qualification to SemiFinals round.

Makakaharap ng Gilas Girls ni coach Sandy Arespacochaga bukas ang second-ranked team mula sa Group B, na maaaring China o Japan.