Overtime

UAAP: NU TINAMBAKAN ANG ADAMSON, BALIK SA TRANGKO

8 October 2026

MABILIS na nakabangon ang National University Bulldogs mula sa kanilang nakaraang pagkatalo matapos tambakan ang Adamson University Falcons, 85-66, kahapon sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Pinangunahan nina PJ Palacielo at Paul Francisco ang balanseng opensa ng Bulldogs upang mapanatiling kontrolado ang laro at maiangat ang kanilang rekord sa 3-2.

Nanguna si Palacielo sa NU sa kanyang 19 puntos, habang may 17 naman si Francisco. Nagdagdag si Mo Diassana ng 15 puntos, habang may tig-12 sina Reinhard Jumamoy at Tebol Garcia.

Matapos mabigo ang Bulldogs na mapanatili ang kanilang kalamangan sa mga huling minuto ng nakaraang laro kontra Ateneo, mas naging maingat at disiplinado ang NU laban sa Adamson at hindi hinayaang makahabol ang Falcons.

Unti-unting nakontrol ng Bulldogs ang laro at pinanatili ang sapat na agwat hanggang final buzzer para makuha ang panalo at muling umangat sa upper half ng standings.

Samantala, hindi pa rin nakabuo ng back-to-back victories ang Adamson ngayong season. Bumagsak ang Falcons sa 2-2.

Nanguna para sa Adamson si Ray Allen Torres na may 14 puntos, habang may 12 si Matt Erolon. Tig-11 naman ang kinamada nina Matt Montebon at Precious Jonah, habang nagtapos si Earl Medina na may 10 puntos.

Sa ikalawang laro, dinomina ng De La Salle University Green Archers ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 83-76, sa isa na namang mainit na sagupaan ng magkaribal na paaralan.

Pinangunahan nina Joaquin Tovera at Jan Macalalag ang opensa ng DLSU na may tig-15 puntos, habang nagdagdag si Jacob Cortez ng 12 at may 10 naman si Andrei Dungo.