Region

HUSTISYA SA POLICE TRAINEE NA HINALAY SA TRAINING CENTER TINIYAK NG PNP

23 April 2026

NANGAKO ang Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng panumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., ng mabilis at patas na hustisya kasunod ng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa isang police training instructor dahil sa umano’y sexual coercion na kinasasangkutan ng isang babaeng trainee sa Cordillera Administrative Region Training Center sa Baguio City.

Inatasan ni PGEN Nartatez ang lahat ng tanggapan at unit ng pulisya na higpitan ang mga polisiya at palakasin ang mga pananggalang laban sa harassment at misconduct sa mga training environment, kasabay ng pagbibigay-diin sa pangangailangang maiwasang maulit ang ganitong insidente.

“The PNP maintains its zero-tolerance policy against misconduct within the organization. I have instructed our offices and units to review the existing policies and implement stringent measures, which will ensure that any form of improper, unlawful, or unethical behavior will not only be sanctioned, but must also be prevented,” ani PGEN Nartatez.

Ang direktiba ay inilabas matapos maisampa ang kasong kriminal para sa sexual coercion sa ilalim ng Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004) sa Baguio City Prosecutor’s Office laban sa isang training instructor na nakatalaga sa CARTC, na may ranggong Police Senior Master Sergeant.

Ang naunang kasong paglabag sa Republic Act 8353 (Anti-Rape Law) ay nireklasipika bilang sexual coercion sa ilalim ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Tinanggap ang reklamo ni Prosecutor Ma. Nenita Opiana ngunit hindi pa ito naidodokumento o na-docket hanggang Abril 20, 2026, habang sumasailalim pa sa pagsusuri at pagproseso ng Office of the City Prosecutor.

Ayon kay PGEN Nartatez, pananagutin ang mga sangkot habang iginagalang ang due process habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Binigyang-diin niya ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiyang nagsasagawa ng imbestigasyon at pag-uusig upang matiyak ang maayos na pagbuo at resolusyon ng kaso.

“All violations of rules and regulations will result in the filing of administrative and criminal sanctions against personnel who commit such misdeeds. Hindi natin ito palalagpasin at pananagutin natin sila ayon sa batas,” aniya.

Sa panig ng administratibo, unang hinawakan ng PNP Training Institute (PNPTI) ang imbestigasyon hanggang Abril 17 nang pormal na akuin ng National Police Commission sa Cordillera Administrative Region, sa pamamagitan ni Regional Director Atty. George Aplas Daskeo, ang hurisdiksyon sa kaso.

Sinabi ni PGEN Nartatez na parehong nagpapatuloy ang mga kasong kriminal at administratibo at kasalukuyang pinag-uugnay para matiyak ang maayos na dokumentasyon at resolusyon.

Kasunod ng insidenteng ito, iniutos ni PGEN Nartatez sa mga unit ng pulisya na palakasin ang mga programang Gender and Development (GAD). Aniya, lahat ng tauhan sa training units ay kinakailangang sumailalim sa gender sensitivity training at oryentasyon laban sa sexual harassment.

Idinagdag pa ng PNP Chief na kailangang mag-install at panatilihing gumagana ang mga CCTV sa lahat ng training areas, maliban sa mga pribadong lugar tulad ng restrooms at changing rooms. Dagdag pa niya, hindi dapat ihiwalay ang mga trainee sa mga sitwasyong delikado o iwan sa mga lugar na walang bantay para maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente.