Overtime

LADY FALCONS DINAGIT ANG V-LEAGUE CROWN

11 October 2025

WINALIS ng Adamson University Lady Falcons ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-19, 25-19, 25-14, sa do-or-die Game 3 ng 2025 V-League Collegiate Challenge Finals kahapon sa Playtime FilOil Center sa San Juan.
Nanguna si Finals MVP Shaina Nitura sa pagdagit ng Lady Falcons sa korona, ang ikatlo  ng Adamson sa mga torneo na inorganisa ng Sports Vision, matapos ang kanilang mga panalo sa 2019 PVL Collegiate Conference at 2010 V-League Season 7 Second Conference.
Tinapos ni Nitura ang laro na may 17 puntos, habang pasiklab si Frances Mordi sa kinamadang 19 marka, at tumapos din na may  double figures si Princess Dote sa kanyang 11 puntos.
Sa ilalim ng gabay ni coach JP Yude, nagpakita ng balanseng opensa at disiplina ang Lady Falcons, habang pinangunahan ni Nitura ang koponan sa mahahalagang sandali upang tuluyang isara ang serye.
Pinatunayan ng Lady Falcons ang kanilang patuloy na pag-angat bilang isa sa pinakamatatag na programa sa collegiate volleyball sa bansa at isa sa magiging banta sa paparating na UAAP volleyball season.
Nanguna si Jazlyn Ellarina sa kanyang 11 marka para sa Lady Tamaraws, na nagtapos na runner-up sa ikatlong sunod na taon.