Overtime

YULO PASOK SA FLOOR, VAULT FINALS SA WORLD CHAMPIONSHIPS

20 October 2026

UMABANTE si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo sa finals ng floor exercise at vault sa 2026 FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Rotterdam, Netherlands.

Pumangalawa si Yulo sa floor exercise matapos makakuha ng 14.500 puntos, kasunod ni Arsenii Dukhno na may 14.700. Pumangatlo naman si Artem Dolgopyat ng Israel sa 14.300.

Binuksan ni Yulo ang kanyang routine sa pamamagitan ng 2.5 twist patungo sa front double pike bago nagtapos sa double layout, bagama’t bahagya siyang napatalon paatras sa paglapag.

Sa vault, nagtala ang Pinoy gymnast ng average na 14.266 puntos upang makasiguro rin ng puwesto sa finals. Gayunman, pang-anim lamang siya sa qualifying round.

Nakatanggap si Yulo ng 14.000 puntos sa kanyang unang pagtatangka matapos ibaba ng mga hurado ang difficulty value ng kanyang piked double front half routine, na kinilala bilang Dragulescu na may 5.2 difficulty value.

Bumawi siya sa ikalawang vault na Kas double, kung saan nakakuha siya ng 14.533 puntos.

Nanguna sa vault qualifiers sina Jake Jarman ng Great Britain at Artur Davtyan ng Armenia matapos kapwa magtala ng 14.633 puntos. Sumunod si Dukhno sa ikaapat na puwesto sa 14.350, habang ika-5 si Shohei Kawakami ng Japan sa 14.283.

Samantala, hindi nakapasok sa alinmang apparatus final ang nakababatang kapatid ni Yulo na si Karl Eldrew at ang isa pang Pinoy gymnast na si Juancho Miguel Besana.

Nakatakda ang finals ng floor exercise at vault sa Oktubre 24 at 25, ayon sa pagkakasunod, kung saan target ni Yulo na madagdagan ang kanyang tatlong world championship titles.