Overtime

V-LEAGUE: TIGRESSES, LADY WARRIORS BALIK SA PORMA

14 September 2026

BUMALIK sa winning column ang University of Santo Tomas Golden Tigresses matapos walisin ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights, 25-21, 25-19, 25-19, sa 2026 V-League Collegiate Challenge kahapon sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Nagtala ang rookie libero na si Nina Robles ng 10 excellent digs upang tanghaling Player of the Game at tulungan ang UST na umangat sa 3-2 kartada at patibayin ang tsansa nitong makapasok sa semifinals.

“Siyempre, una masaya kasi nanalo kami. To be honest, I think siguro ‘yung gusto namin is mas mapaganda pa ‘yung nilalaro namin, mag-improve pa para sa mga susunod pa naming laro,” ani UST coach Shaq delos Santos.

Nangibabaw ang Golden Tigresses sa opensa matapos magtala ng 41 attacks laban sa 33 ng Letran. Nagkaroon din ang UST ng 8-1 kalamangan sa blocks at 6-5 bentahe sa service aces.

Nanguna sa scoring si Ashlee Knop na may 14 puntos mula sa 13 attacks at isang ace. Nagdagdag si Kimberly Rubin ng walong puntos, habang may tig-pitong puntos sina Marga Altea at Erica Gutierrez.

Pinangunahan ni Judiel Nitura ang Lady Knights sa 11 puntos, habang may 10 si Carlyn Tizon. Nanatiling walang panalo ang Letran sa limang laro at tuluyan nang nawalan ng tsansang makapasok sa semifinals.

Samantala, nakabangon ang University of the East Lady Warriors mula sa muntik nang pagkatalo upang pataubin ang University of Perpetual Help Lady Altas, 22-25, 25-22, 25-17, 23-25, 15-12, at wakasan ang kanilang three-game losing streak.

Naiwan ang UE, 8-12, sa deciding fifth set matapos maitabla ng Perpetual ang laban sa pamamagitan ng panalo sa fourth frame. Ngunit nagpakawala ang Lady Warriors ng matinding 7-0 finishing run para agawin ang panalo.

Nanguna sa rally sina Janessa Buhay at Van Bangayan, na kapwa nagtala ng tatlong puntos sa mahalagang yugto ng laro.

Kumamada si Bangayan ng 33 puntos mula sa 31 attacks, isang block at isang ace. Nag-ambag naman si Buhay ng 20 puntos mula sa 13 attacks, anim na aces at isang block, bukod pa sa 16 excellent receptions at pitong excellent digs.

Umangat ang UE sa 2-3 kartada at nakapantay ang Perpetual sa standings.