Overtime

V-LEAGUE: MALINIS NA MARKA ITATAYA NG LADY CHIEFS VS LADY ALTAS

5 September 2026

ITATAYA ng Arellano University ang malinis nitong marka sa V-League Collegiate Challenge sa pagsagupa sa kapwa NCAA school na University of Perpetual Help System Dalta ngayon sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Target ng Lady Chiefs ang ikaapat na sunod na panalo, ngunit hindi maaaring maging kampante ang koponan mula Legarda sa kanilang alas-3 ng hapon na laro kontra Lady Altas.

Magtutuos naman ang University of Santo Tomas Golden Tigresses at University of the East Lady Warriors, na kapwa may 1-1 rekord kasalo ang Perpetual, sa isa pang women’s match kinagabihan.

Kahanga-hanga ang ipinakikitang laro ng Lady Chiefs, tampok ang kanilang 25-21, 21-25, 31-33, 25-23, 15-13 panalo kontra Tigresses.

Sinundan ito ng isa pang five-set victory kontra College of Saint Benilde, 19-25, 25-17, 34-32, 16-25, 15-7, noong nakaraang linggo.

Nangunguna sa kampanya ng Lady Chiefs sina Heart Villaflores at Cris Servidad, na naging malaking dahilan ng kanilang perpektong rekord.

Samantala, hangad ng Lady Altas na maitala ang kanilang unang winning streak sa torneo. Matapos walisin ng Adamson ang Perpetual sa kanilang unang laro, bumangon ang Lady Altas at pinataob ang San Beda, 25-22, 28-26, 21-25, 25-21, noong Agosto 22.

Maaari ring maging bentahe ng Perpetual ang kanilang mas mahabang pahinga matapos ipagpaliban ang nakatakda sanang laro nila kontra Tigresses noong Agosto 30 dahil sa masamang panahon.

Samantala, umaasa ang UST na makabawi mula sa masakit na five-set na pagkatalo sa Arellano noong Agosto 22, sa pangunguna ni Angge Poyos.

Kailangang mag-ingat ang Tigresses laban sa Lady Warriors, na matapos simulan ang kampanya sa pamamagitan ng five-set win kontra Lady Blazers ay nabigo namang makasabay sa Lady Falcons at yumuko, 18-25, 23-25, 16-25, noong Agosto 23.

Malaking ambag para sa UE ang rookie na si Janessa Buhay, dating standout ng Adamson high school team, matapos ang unang dalawang laro ng koponan.