Overtime

UST, PERPETUAL KAMPEON SA PINOYLIGA

5 September 2026

HUMUGOT ng lakas ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa second half upang tambakan ang Centro Escolar University Scorpions, 81-60, at masungkit ang kampeonato sa Pinoyliga The Big Dance Huwebes ng gabi sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Matapos ang dikitang unang dalawang quarters, tuluyang kumawala ang UST sa second half nang dominahin ang CEU, 44-26, sa huling dalawang yugto.

Nanguna sa matagumpay na kampanya ng Growling Tigers si Collins Akowe, na nagtala ng 17 puntos, anim na rebounds, apat na blocks, dalawang steals at isang assist para hiranging Player of the Game.

Nag-ambag naman si Amiel Acido ng 15 puntos, habang may 13 si Mark Llemit at 10 si Kristian Porter para sa UST.

Tatlong puntos lamang ang bentahe ng Growling Tigers, 37-34, matapos ang first half bago sila tuluyang kumawala sa third quarter.

Nagpakitang-gilas ang UST sa third quarter matapos itala ang 23-12 kalamangan bago tuluyang isinara ang laban sa fourth quarter, 21-14.

Pinangunahan ni Stanley Gicoso ang Scorpions sa 13 puntos, habang nagdagdag si Precious Momowei ng 11.

Samantala, nasungkit ng University of Perpetual Help System DALTA Altas ang korona sa Pinoyliga Collegiate Cup matapos makalusot sa Emilio Aguinaldo College Generals, 84-83.

Naging susi sa panalo si Angelo Gelsano, na naglista ng 14 puntos, limang rebounds, dalawang assists at dalawang steals para tanghaling Player of the Game.

Nagtapos naman si Jim Corpuz na may 13 puntos at nagdagdag ng 12 si Ray Allen Maglupay para sa Altas.