Overtime

UST, FEU NAGHARI SA PTTF INTERCOLLEGIATE CHALLENGE

2 September 2026

NASUNGKIT ng reigning UAAP champions University of Santo Tomas at Far Eastern University  ang kampeonato sa men’s at women’s Division 1 ng 2026 PTTF Intercollegiate and Interscholastic Challenge kamakalawa sa Home Court ng Ayala Malls Manila Bay sa Parañaque City.

Nagkampeon ang UST-1 sa men’s division matapos nitong makumpleto ang 1-2 finish ng dalawang koponan ng Tiger Paddlers.

Kabilang sa UST-1 sina reigning UAAP Most Valuable Player Abraham Antivo IV, dating UAAP High School Boys’ MVP Jebb Datahan at Season 86 Rookie of the Year Josh Manlapaz.

Mahalaga para kay Antivo ang naturang torneo bilang bahagi ng paghahanda ng UST para sa panibagong kampanya sa UAAP.

Samantala, binuo nina Josh Aguilar, Al-J Sanchez, Alvin Sevilla at Aljay Villena ang UST-2 na nagtapos bilang runner-up.

Sa women’s division, nakopo ng FEU-1 ang titulo matapos nitong talunin ang De La Salle-College of Saint Benilde.

Isinara nina Shy Gabisay at Christine Golez ang laban para sa FEU nang pabagsakin sina Zachi Chua at Gytha Valdez ng CSB, 6-11, 11-6, 11-9, 11-3, sa doubles match.

Nauna nang inilapit ni dating NCAA MVP at reigning UAAP MVP Chrishien Santillan ang FEU sa kampeonato nang pataubin si NCAA counterpart Jesmaine Tayag, 11-5, 11-5, 11-7.

Ayon kay Santillan, malaking tulong ang torneo sa FEU para masukat ang kanilang kahandaan at matukoy ang posibleng lineup para sa nalalapit na UAAP season, gayundin ang mga aspeto na kailangan pa nilang pagbutihin.

Dinomina rin ng UST ang men’s Division 1 semifinals. Tinalo ng UST-1 ang UP-2, 3-2 at 3-1, habang nilampaso naman ng UST-2 ang kanilang semifinal series, 3-0 at 3-1.

Sa women’s division, tinalo ng FEU-1 ang Blue Paddlers-1, 3-1 at 3-0, habang nalusutan ng CSB ang DLSU-1, 3-2, sa dalawang laban para makapasok sa finals.

Hindi rin nagpahuli ang UST sa Division 2 matapos walisin ng UST-3 ang Rizal Technological University-2, 3-0 at 3-0, para makuha ang men’s championship.

Kabilang sa UST-3 sina Dirk Atilano, Josh Canalin, Louise Gacias at Laurence Melendez.

Sa women’s Division 2, ang University of Mindanao-3 ang nagkampeon matapos nitong talunin ang UP-2. Kasama sa koponan sina Ayesha Quibol, Charlotte Delos Reyes at Jennylee Dable.

Sa high school competition naman, nasungkit ng UST-5 ang boys’ team championship sa pangunguna nina Emmanuel Paculba, Josh Banas at Franz Acasio. Nauna ring nakuha ni Paculba ang boys’ singles title.

Nagkampeon naman ang National Academy of Sports-1 sa high school girls’ division matapos pataubin ang NAS-2.