UE, ARELLANO MAINIT ANG SIMULA SA V-LEAGUE COLLEGIATE CHALLENGE
MATIKAS na sinimulan ng University of the East Lady Warriors ang kanilang kampanya sa 2026 V-League Collegiate Challenge matapos silatin ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 25-21, 25-16, 22-25, 14-25, 15-8, kahapon sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.
Matapos kunin ang unang dalawang set, muntik nang mawala sa kamay ng Lady Warriors ang laro nang bumawi ang Lady Blazers sa ikatlo at ikaapat na frame upang itulak ang laban sa deciding set.
Ngunit muling nagpakita ng tikas ang UE sa fifth set, kung saan agad itong umabante, 8-4, bago tuluyang lumayo sa 12-5. Nagpakawala si Janessa Buhay ng magkakasunod na kills upang selyuhan ng Lady Warriors ang panalo.
“Very happy kami na nabigyan kami ng chance. Grateful kami sa V-League management na nabigyan kami ng chance kasi kailangan talaga namin ‘tong mga preseason, especially now na ang damı po naming rookies,” ani UE coach Jumbo Dimaculangan.
Pinangunahan ni Buhay ang Lady Warriors sa kanyang debut matapos magtala ng 23 puntos mula sa 22 attacks at isang service ace. Nagdagdag din siya ng 11 digs at siyam na excellent receptions.
Nag-ambag naman si Bea Zamudio ng 18 puntos, habang naasahan si rookie setter Cheska Peñol sa kanyang unang collegiate appearance matapos magtala ng walong excellent sets at dalawang puntos.
Ang panalo ay naging matagumpay na pagbabalik ng UE sa V-League matapos ang huli nitong pagsabak noong 2024 season.
Para sa Lady Blazers, parehong nagtala ng 17 puntos sina Grace Borromeo at Fiona Inocentes. Nagdagdag naman si Mhonniecka Soliven ng 19 puntos at 11 excellent receptions upang manatiling dikit ang Lady Blazers sa laban.
Sa isa pang laro, ginulantang ng Arellano University Lady Chiefs ang NCAA champion Colegio de San Juan de Letran Lady Knights, 25-20, 25-22, 25-15. Bumida sina Cassey Florida at Heart Villaflores sa kanilang 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.