UAAP TITLE ASAM NI NITURA PARA SA ADAMSON
MATAPOS na umukit ng kasaysayan bilang kauna-unahang UAAP MVP mula sa Adamson University, sunod na puntirya ni Shaina Nitura ang maiuwi ang kampeonato para sa Lady Falcons.
Ayon sa incoming third year player, hindi pa rito nagtatapos ang kanilang misyon dahil nananatiling pangunahing target ng koponan ang marating ang tugatog ng tagumpay sa UAAP.
“Hindi naman doon titigil ‘yung career ko, yung career namin, and yung pagpu-push namin to get into the Finals. Nandoon pa rin talaga yung focus namin,” pahayag ni Nitura.
Malaki ang naging ambag ng 21-anyos na outside hitter sa matagumpay na kampanya ng Adamson matapos nitong maibalik ang Lady Falcons sa Final Four sa unang pagkakataon mula pa noong Season 85.
Matapos ang natamong indibidwal na parangal, sinabi ni Nitura na mas lalo lamang nitong pinatibay ang kanyang paniniwala na kayang makipagsabayan ng Adamson para sa UAAP title sa mga susunod na taon.
“Actually, this only means na capable kami makapasok ng Finals kasi meron kaming Fhei at meron kaming other players na pwede mag-push through it sa upcoming seasons na meron kami with the team,” dagdag pa niya.
Bukod sa MVP plum, itinanghal din si Nitura bilang Best Outside Spiker sa katatapos lamang na UAAP women’s volleyball season, na pinagreynahan ng De La Salle University Lady Spikers.