UAAP MAY BAGONG RULING SA ‘ONE-AND-DONE’ PLAYERS SIMULA SEASON 90
MAGSASAGAWA ang UAAP ng pagbabago sa eligibility rules para sa mga graduate transfer simula Season 90 sa susunod na taon.
Ayon kay UAAP executive director Atty. Rebo Saguisag, layunin ng bagong patakaran na tugunan ang tinatawag na “one-and-done” phenomenon.
“We’re trying to address the so-called one-and-done phenomenon. It was legislated some time last year, but it will be prospective in nature,” ani Saguisag.
Sa kasalukuyang sistema, maaaring agad maglaro sa UAAP ang isang graduate mula sa paaralang hindi kabilang sa liga matapos lumipat sa isang UAAP school, basta pasok siya sa iba pang eligibility requirements.
Mula Season 90, kailangan munang magsilbi ng isang taong residency ang graduate transfer bago maging eligible na maglaro.
“Any athlete who has graduated from any university, once they transfer, has to sit out one year. The rationale is that the board wanted, somehow, for the student-athletes to inculcate the culture of their respective schools before they compete,” paliwanag ni Saguisag.
Sa pamamagitan ng isang taong residency, nais ng UAAP na magkaroon muna ng pagkakataon ang graduate transfers na makilala at mapabilang sa kultura at komunidad ng kanilang bagong paaralan bago ito katawanin sa liga.
“They should know what Igma Kadima of UE means. Or what it means to be a ‘klasmeyt’ at Adamson. Or for FEU, what it means to be actually brave. So they’ll sit out one year, get inculcated in the culture, and play next year,” dagdag niya.
Ipinatupad ang one-and-done provision noong 2016 kasunod ng transition sa K to 12 education system, na nagdulot ng pansamantalang pagbaba sa bilang ng mga tradisyunal na college freshmen.
Naging daan naman ang patakaran para makapagpatuloy ng pag-aaral sa UAAP schools ang mga graduate mula sa labas ng liga habang nananatiling eligible sa kompetisyon.
Dahil dito, huling season na ng Season 89 ang kasalukuyang sistema bago tuluyang ipatupad ang bagong residency requirement.
Samantala, maaari nang magkaroon ang bawat UAAP team ng dalawang foreign student-athletes sa kanilang pool ngayong Season 89, ngunit isa lamang ang maaaring ilagay sa active roster kada laro.
Kailangang ideklara ng bawat koponan kung sino sa dalawang foreign players ang kanilang gagamitin isang oras bago ang tip-off.
Opisyal na magsisimula ang Season 89 ngayong araw sa SM Mall of Asia Arena sa pamamagitan ng “Kickoff Show,” na pangungunahan nina Vice Ganda at Gloc-9.
Magsisimula naman ang men’s basketball tournament kinabukasan sa SMART Araneta Coliseum.
Haharap ang host Far Eastern University sa Adamson University sa alas-12 ng tanghali, bago ang salpukan ng defending champion De La Salle University at National University sa alas-2:30 ng hapon. Magtatapat naman ang University of the Philippines at University of Santo Tomas sa alas-6 ng gabi.
Sa Setyembre 26 naman nakatakdang magsimula ang women’s basketball tournament.