UAAP MAGHIHIGPIT SA OFFICIATING SA SEASON 89
MAS magiging mahigpit ang pagpapatupad ng mga patakaran sa basketball ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa Season 89, partikular sa asal ng mga nasa bench, player conduct at iba pang paglabag.
Kasabay nito, magpapatupad din ang liga ng bagong residency requirement para sa mga graduate transfer simula Season 90.
Ayon kay UAAP basketball commissioner Jai Reyes, mas ilalapit ng liga ang officiating nito sa pamantayan ng International Basketball Federation (FIBA), kabilang ang mas mahigpit na pagbabantay sa bench decorum.
“The most important point in aligning with FIBA is that our officials can already enact these standards,” ani Reyes.
Nagsagawa ang UAAP ng refresher course para sa mga opisyal nito mula Hulyo 15 hanggang 23 sa pangunguna ni FIBA instructor Mohammed Al Amiri.
Layunin nitong ihanda hindi lamang ang mga referee kundi pati ang mga manlalaro at coach sa mga pamantayang maaari nilang harapin kapag lumahok na sila sa mga international competition.
“So, the UAAP is here to educate our student-athletes. So, we want everybody to be ready when they step out of the UAAP to bigger stages,” pahayag ni Reyes.
Kabilang sa pagtutuunan ng pansin ang kilos ng mga nasa bench matapos mapansin ng dalawang FIBA officials na kailangan pang mas iayon sa international standards ang bench behavior sa UAAP.
“Technically, bench decorum will be our main point of concern as instructed by our FIBA foreign instructor,” ani Reyes.
“We had two FIBA officials come to the Philippines and observe our games. They observed that bench decorum must be aligned more closely with FIBA standards. So, coaches, there may be more technical fouls this year, so keep your benches in control.”
May mas malinaw na rin aniyang sistema para sa suspensiyon ng mga manlalaro at coach na paulit-ulit na lumalabag.
Maaaring masuspinde ang isang player matapos makakuha ng dalawang unsportsmanlike fouls, depende sa bigat ng paglabag.
Ang ikatlong technical foul naman ng isang manlalaro ay magreresulta sa suspensiyon, habang bawat karagdagang dalawang technical foul ay may katumbas na panibagong suspensiyon.
Ang manlalarong nasuspinde ay hindi rin maaaring maging kwalipikado para sa anumang postseason award.
Para sa head coach, ipatutupad ang suspensiyon kapag umabot sa tatlo ang kanyang technical fouls. Muli siyang masususpinde sa bawat karagdagang dalawang technical foul.
Ibibilang din sa head coach ang technical fouls na ipinataw sa bench.
Magre-reset ang foul accumulation pagsapit ng playoffs.
Bibigyan din ng mas malawak na konsiderasyon ang mga referee sa pagtukoy kung ang contact sa laro ay may tunay na epekto sa play.
“Referees will allow play to continue if they deem or feel like the contact does not affect the play. I think this will also minimize or make our game time faster. The IRS will also be faster,” ani Reyes