UAAP: LADY BULLDOGS BALIK ANG BANGIS
BUMAWI ang National University Lady Bulldogs mula sa mabagal na simula at winalis ang University of the East Lady Warriors, 25-19, 25-10, 25-19, sa UAAP Season 88 Women’s Volleyball Tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Mula sa nakakagulat na reverse sweep na pagkatalo laban sa University of the Philippines Fighting Maroons noong nakaraang Sabado, nahirapan sa umpisa ang Lady Bulldogs at nahulog pa sa 8-15 deficit sa unang set laban sa Lady Warriors.
Ngunit pinangunahan nina Celine Marsh, Vange Alinsug, at Arah Panique ang malakas na pagbawi ng NU matapos bumanat ng 17-4 run upang maagaw ang unang set, 25-19.
Tuluyan nang kinontrol ng Lady Bulldogs ang laban mula roon matapos dominahin ang ikalawang set, 25-10, bago tuluyang tinapos ang laban sa ikatlong set, 25-19.
Si Marsh, na humalili kay rookie Sam Cantada sa starting six, ay nagtapos na may 11 puntos mula sa walong atake, dalawang ace, at isang block. Nag-ambag din siya ng 12 excellent digs at apat na receptions.
“I never really doubted Celine’s performance. I never really feel like na malaki ‘yung mawawala kapag may isang player na hindi makakalaro kasi I have somebody else to help the team. Tulungan lang talaga kami,” ani NU head coach Regine Diego.
Nagtala naman si Panique ng team-high na 12 puntos, habang kumamada si Alinsug ng 10 marka para sa nagdedepensang Lady Bulldogs, na umangat sa solo second place tangan ang 4-1 kartada.
Sa panig ng UE, nanguna si Van Bangayan na may 12 puntos at limang receptions, habang nag-ambag si Khy Cepada ng 10 puntos, pitong receptions, at anim na digs. Nanatili silang walang panalo sa limang laro.
Samantala, magaan na dinispatsa ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25-17, 25-17, 26-24, upang umangat sa 3-2 karta. Wala pa ring panalo ang Blue Eagles sa limang salang.
Nanguna si Faida Bakanke sa opensa ng Lady Tamaraws sa kanyang 12 puntos, habang may 11 marka naman si Jazlyn Ellarina.