UAAP: DLSU, ADAMSON MAINIT ANG SIMULA
Mga laro sa Miyerkoles (SM Mall of Asia Arena) 3 p.m. - Ateneo vs UE 5:30 p.m. - DLSU vs UST
MATIKAS ang UAAP debut ni Joaquin Tovera matapos pangunahan ang De La Salle University Green Archers sa dikit na 89-87 panalo kontra National University Bulldogs sa pagbubukas ng Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Agad na nagpakitang-gilas ang dating Gilas Pilipinas Youth standout matapos magtala ng 22 puntos, tatlong steals, isang rebound at isang assist para sa reigning champions.
Nag-ambag si Manuel Luis Pablo ng 16 puntos mula sa 8-of-11 shooting sa field at pitong rebounds, habang nagdagdag si Andrei Dungo ng 12 puntos para sa Green Archers.
Tila kontrolado ng La Salle ang laro nang umabot sa 78-64 ang kanilang kalamangan matapos ang magkasunod na baskets ni Pablo, pero hindi nagpatinag ang NU at dumikit sa 84-85.
Sumagot naman si Dungo ng isang three-pointer para muling ilayo ang Green Archers, 88-84. Nakapuntos si Reinhard Jumamoy upang ilapit ang NU sa 87-88, ngunit kumonekta ng isang free throw si Mason Amos para sa final score.
Nanguna sa Bulldogs sina Kenshin Padrones at Teboi Garcia na nagtapos na may tig-14 puntos. Nagdagdag si Mo Diassana ng 12 puntos, habang may 10 naman si PJ Palacielo sa pagkatalo ng NU.
Samantala, bumanat ang Adamson University Falcons ng matinding rally sa fourth quarter upang pataubin ang Far Eastern University Tamaraws, 56-53, sa unang laro.
Mula sa pagkakaiwan sa 13 puntos, 33-46, sa dulo ng third quarter, nagliyab ang Falcons sa pamamagitan ng 19-7 run na pinangunahan nina Mat Edding, Matt Erolon, Monty Montebon at Precious Jonah.
Nagtala si Erolon ng walong puntos, anim dito ay sa fourth quarter, upang tulungan ang Adamson na makumpleto ang comeback at simulan ang kanilang kampanya sa panalo.
Nanguna si Montebon sa Falcons sa kanyang 18 puntos, habang nagdagdag sina Edding ng 11 at Jonah ng walong puntos at 11 rebounds.
Para sa Tamaraws, parehong nagtapos na may 11 puntos sina Janrey Pasaol at rookie Cabs Cabonillas.