UAAP: ATENEO MAINIT ANG SIMULA
Mga laro sa Sabado (Smart Araneta Coliseum) 3 p.m. – NU vs UE 5:30 p.m. – Ateneo vs UP
PINANGUNAHAN ni rookie Kieffer Alas ang mainit na simula ng Ateneo de Manila University sa UAAP Season 89 matapos tambakan ang University of the East, 101-74, kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa kanyang unang laro sa collegiate basketball, kumamada si Alas ng 24 puntos at apat na rebounds upang sandigan ang Blue Eagles sa dominanteng panalo.
Naging susi ang mainit na simula ni Alas, na umiskor ng 19 puntos sa first half, upang maitarak ng Ateneo ang 56-39 kalamangan bago ang halftime.
Lumobo pa ang kalamangan ng Blue Eagles sa 85-55 sa third quarter matapos nilang dominahin ang Red Warriors, 29-16.
Nag-ambag si team captain Jared Bahay ng 17 puntos mula sa 6-of-8 shooting, habang umiskor si Grayson Rogers ng 12 puntos.
Ang laro ang unang UAAP appearance ng Ateneo mula nang masawi sina Divine Adili at Rene Baterbonia sa insidente ng pagkalunod noong Hunyo 8 habang nagsasagawa ng team-building activity ang koponan sa Dipaculao, Aurora.
Bago ang laro, nagsagawa ang UAAP ng sandaling katahimikan bilang pag-alala sa dalawang Ateneo team members.
Naging alanganin ang pagsabak ng Blue Eagles sa Season 89 hanggang sa ipahayag ng UAAP noong Agosto 7 ang permanenteng suspensiyon kay dating head coach Tab Baldwin.
Ilang indibidwal din ang sinuspinde kaugnay ng insidente, ngunit pinayagan pa ring maglaro ang Ateneo matapos kilalanin ng liga na ang mga miyembro ng koponan ay “themselves victims of this tragedy.”
“Coach Louie wanted to thank everyone, the UAAP, especially God, for allowing us to play in spite of the tragedy that happened to us; we’re still allowed to play the game that we love. Thank you sa families, sa Ateneo for supporting us,” pahayag ni assistant coach RJ Jazul para kay interim coach Louie Alas.
Ayon kay Kieffer Alas, ang panalo ay unang hakbang ng Ateneo upang makabangon mula sa trahedyang sinapit ng koponan.
“I feel like this was just an introduction to Ateneo after everything that happened. Everyone counted us out, so I hope na slowly we can build ourselves back up to bring ourselves where we want to be, especially with Divine’s parents being here, we’re gonna dedicate our games to them,” ani Alas.
Ang 24 puntos ni Alas ang pinakamataas na scoring output ng isang UAAP rookie mula nang magtala si Jerrick Ahanmisi ng 28 puntos para sa Adamson University laban sa University of the Philippines noong Setyembre 4, 2016.
Samantala, pinangunahan ni Tope Lagat ang UE sa 15 puntos. Parehong nagtala ng 14 puntos sina JM Edoukou at Cole Cruz-Dumont, habang nagdagdag si Edoukou ng walong rebounds at limang steals.
Sa pagkatalo ay umabot na sa 21 sunod ang kabiguan ng Red Warriors sa UAAP, mula pa noong second round ng Season 87.
Iskor:
ATENEO (101) – Alas 24, Bahay 17, Rogers 12, Bongo 9, Leal 6, Tuano 6, Asoro 6, Baruwa 5, Roberts 5, Espinosa 4, Kapihe 4, Urbina 1, Cainglet 1, Reyes 1, De Luna 0.
UE (74) – Lagat 15, Edoukou 14, Cruz-Dumont 14, Carillo 9, Sabroso 7, Jimenez 6, Robles 4, Javier 3, Datumalim 2, Tañedo 0, Vazquez 0, Mascarinas 0, Perez 0, Santos 0.
Quarterscores: 25-16, 56-39, 85-55, 101-74.