UAAP: ADAMSON BALIK SA FINAL FOUR
NASUNGKIT ng Adamson University Lady Falcons ang inaasam na puwesto sa Final Four matapos walisin ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-20, 25-22, 25-23, sa UAAP Season 88 women’s volleyball kagabi sa UST Quadricentennial Pavillion.
Dinomina ng Lady Falcons ang kabuuan ng laban sa likod ng balanseng opensa at matibay na depensa, sa pangunguna ni Shaina Nitura na may 18 puntos, 10 receptions at 6 digs.
Nagbigay naman ng solidong suporta si Frances Mordi na may 12 puntos, habang nag-ambag si Lhouiz Tuddao ng siyam.
Sa bawat set, nagawa ng Adamson na pigilan ang mga tangkang paghabol ng FEU, lalo na sa dikitang third set kung saan nanatiling kalmado ang Lady Falcons upang tuluyang isara ang laban.
Dahil sa panalo, umangat ang Adamson sa 8-5 kartada at opisyal na naselyuhan ang kanilang pagpasok sa semifinals.
Nagtala naman si Gerzel Petallo ng 11 puntos para sa Lady Tamarawa na nahulog sa 7-6. May isa na lamang silang natitirang laro sa eliminations at kinakailangang manalo upang mapanatili ang tsansa sa Final Four.
Samantala, pinutol ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang kanilang losing skid matapos dominahin ang University of the East Lady Warriors, 25-23, 25-19, 29-27.
Matapos ang ilang linggong kabiguan, muling nahanap ng Blue Eagles ang kanilang laro sa likod nina Dona Mae de Leon at Jihan Chuatico, upang makuha ang kanilang ikalawang panalo sa 13 laban.
Nanguna si De Leon sa Ateneo sa naitalang 14 puntos mula sa 11 attacks, dalawang blocks, at isang service ace. Nag-ambag naman sina Chuatico at Ana Hermosura ng 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, tinapos ng UE ng isa na namang mapait na kampanya matapos hindi makatikim ng panalo sa buong season sa ikalawang sunod na taon. Nanguna sa Lady Warriors si Khy Cepada na may 18 puntos.