UAAP: 2-0 SA FIGHTING MAROONS
Mga laro sa Sabado: (SM Mall of Asia Arena) 12 p.m. - Ateneo vs Adamson 2:30 p.m. - UE vs FEU 6 p.m. - NU vs UP
BUMANGON mula sa mabagal na simula ang University of the Philippines Fighting Maroons tungo sa 94-75 paglampaso sa Ateneo de Manila University Blue Eagles sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Pinangunahan ni James Payosing ang opensa ng Fighting Maroons matapos kumamada ng 18 puntos, kabilang ang dalawang three-pointer, tungo sa pag-angat ng kanilang kartada sa 2-0.
Tumipa si Rey Remogat ng 14 puntos, habang nag-ambag si Francis Nnoruka ng 12 puntos at 13 rebounds. May 12 puntos at siyam na rebounds naman si Francis Veejay Pre.
Nahirapan ang UP sa unang bahagi ng laro at nahulog sa 30-37 deficit pagsapit ng kalagitnaan ng second quarter. Ngunit unti-unting nakabawi ang Fighting Maroons sa pangunguna nina Payosing, Remogat, Nnoruka at Russel Ogana para sa 46-45 halftime lead.
Hindi na bumitaw ang Fighting Maroons sa second half at umabot sa 73-63 ang kanilang kalamangan bago tuluyang kumawala sa fourth quarter. Lumobo pa sa 25 puntos ang kanilang bentahe matapos ang mga basket nina Payosing, Pre at Arvie Poyos.
Pinangunahan ni team captain Jared Bahay ang Ateneo sa 15 puntos, habang hindi nahanap ni rookie Kieffer Alas ang dating tikas at nagtapos lamang na may 13 puntos. Bagsak sila sa 1-1 marka.
Sa unang laro, nasungkit ng National University Bulldogs ang unang panalo matapos tambakan ang University of the East Red Warriors, 76-56. Angat ang Bulldogs sa 1-1 karta, habang laglag ang UE sa 0-2.
Agad na kinontrol ng Bulldogs ang laro at nagtayo ng 25-8 kalamangan matapos ang unang quarter. Hindi na nila binitawan ang momentum at nagtapos ang first half na hawak ang 42-20 abante.
Bahagyang nakabawi ang Red Warriors sa third quarter nang malampasan nila ang NU, 20-12, ngunit muling lumayo ang Bulldogs sa huling yugto upang tuluyang isara ang laro.
Nanguna si Mo Diassana para sa Bulldogs na may 12 puntos at 12 rebounds, nagtala rin ng 12 puntos si Reinhard Jumamoy at may 11 puntos naman si Kenshin Padrones.
Para sa Red Warriors, nagtala si Olamilekan Ajani ng 11 puntos at 11 rebounds, habang may 11 puntos din si Topeng Lagat. Ito na ang kanilang ika-22 sunod na talo buhat noong 2024.