Overtime

TIGRESSES SINIBAK ANG LADY FALCONS SA UAAP VOLLEY

30 April 2026

BUHAY pa ang kampanya ng University of Santo Tomas Golden Tigresses matapos walisin ang Adamson University Lady Falcons, 25-16, 25-18, 25-19, sa UAAP Season 88 women’s volleyball stepladder Final Four kahapon sa  Araneta Coliseum.

Sumandal ang Tigresses sa matinding opensa nina Angeline Poyos, Regina Jurado, at Jonna Perdido upang makuha ang panalo at umusad sa susunod na yugto ng semifinals.

Nanguna si Poyos sa UST na may 17 puntos mula sa 15 attacks at dalawang service aces. Nag-ambag si Jurado ng 13 puntos at 14 excellent digs, habang nagtala si Perdido ng 10 puntos at 10 excellent digs.

Matatandaang dalawang beses tinalo ng Adamson ang UST sa eliminations, kapwa sa straight sets, kaya malaking pagbawi para sa Tigresses ang kanilang ipinakitang laro sa postseason.

Mula umpisa hanggang dulo, ipinamalas ng UST ang disiplina at kontrol sa takbo ng laban, habang napigilan ang mga scoring run ng Adamson upang maselyuhan ang panalo sa tatlong sets.

Dala ang momentum, haharap ang UST sa defending champion National University Lady Bulldogs sa susunod na yugto, kung saan nakataya ang karapatang makalaban ang De La Salle University Lady Spikers sa finals.