Overtime

THAILAND WINALIS ANG ALAS WOMEN SA SEA V CUP

8 August 2026

HINDI nakasabay ang Alas Pilipinas Women sa mas pinalakas na koponan ng Thailand matapos yumuko sa straight sets, 19-25, 17-25, 19-25, sa pagbubukas ng kanilang kampanya sa Leg 2 ng 6th Southeast Asian Volleyball Cup kagabi sa Chiang Mai.

Dahil sa kabiguan, nanatiling walang panalo ang pambansang koponan sa torneo.

Mas mabigat ang naging hamon para sa Alas Pilipinas dahil ibinalik ng host Thailand ang ilan sa mga pangunahing manlalaro nito na nagpahinga matapos ang kampanya sa Volleyball Nations League.

Ang tanging pagbabago sa lineup ng Pilipinas ay ang pagpasok ni Celine Marsh kapalit ni Vanie Gandler, ngunit hindi ito naging sapat upang makasabay sa lakas at lalim ng lineup ng mga Thai.

Sa unang leg ng torneo, naitulak pa ng Alas Pilipinas ang Thailand sa limang set.  Ngunit sa pagkakataong ito, hindi na nakalapit ang Pilipinas laban sa kumpletong puwersa ng mga nagdedepensang kampeon.