Overtime

SILVOR, BATALLA NAGTALA NG BAGONG PALARO RECORD

27 May 2026

NAGTALA si Negros Island Region (NIR) runner Ashley Silvor ng bagong rekord sa elementary girls’ 400-meter run sa 2026 Palarong Pambansa kahapon sa Datu Lipus Makapandong Gov. D.O. Sports Complex sa Agusan del Sur.

Tumipa si Silvor ng isang minuto at 0.09 segundo sa kanyang unang sabak sa Palaro upang basagin ang dating meet record sa nasabing event at bigyan ng panibagong karangalan ang NIR athletics team.

Mula sa pagsisimula ng karera ay agad na ipinakita ni Silvor ang bilis at kontrol sa takbo bago tuluyang iniwan ang mga katunggali sa huling bahagi ng laban para masungkit ang gintong medalya.

Nakopo ni Clair Gemparo ng Region XIII ang silver medal matapos magtala ng isang minuto at 0.44 segundo, habang nakuha naman ni Llianne Pearl Redoblado ang bronze sa oras na isang minuto at 0.72 segundo

Naging tampok ang panalo ni Silvor sa matatag na kampanya ng NIR sa athletics kung saan patuloy itong nagdaragdag ng medalya sa taunang pambansang palaro ng Department of Education.

Samantala, nagtala rin ng bagong rekord si Region IV-A CALABARZON athlete Loraine Batalla sa secondary girls’ 400-meter run matapos magrehistro ng 56.12 segundo upang higitan ang dating markang 56.28 segundo.

Nagwagi ng silver medal si Mary Joy Peñaflor ng Eastern Visayas sa oras na 56.87 segundo, habang bronze medal naman ang naiuwi ni NIR runner Psalm Euxene Pampag matapos tumapos sa 57.01 segundo.

Sa iba pang athletics events, namayagpag si Charles Villapaña ng Region X sa secondary boys’ 110-meter hurdles matapos talunin ang national team member na si Ivan Cabanda ng NCR.

Nagtala si Villapaña ng 13.51 segundo laban sa 13.55 segundo ni Cabanda, habang pumangatlo si Jericho Rain Cantil na may 14.17 segundo.

Nagdiwang din ang NCR matapos masungkit ni Lhynnette Libranda ang kampeonato sa secondary girls’ 100-meter hurdles sa oras na 14.04 segundo upang mapatalsik ang three-time gold medal winner na si Angel Villagracia ng Western Visayas.