Overtime

SGVIL: BACOLOD TAY TUNG SOLONG LIDER SA POOL B

23 April 2026

MAGAAN na dinispatsa  ng perennial title contender Bacolod Tay Tung High School  ang Canossa Academy, 25-10, 25-9, upang itala ang ikalawang sunod na panalo sa Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1 kahapon sa La Salle Green Hills Gym.

Nagpakita ng balanseng opensa ang two-time runner-up na Thunderbolts, sa pangunguna ni Rhose Almendralejo, upang umangat sa 2-0 marka at solong manguna sa Pool B.

Nagtala si Almendralejo ng 11 puntos mula sa walong attacks at tatlong aces, habang nagdagdag sina Cristina Gale ng pito, Faith Banguia ng anim, at Alexa Bertolano ng lima para sa Thunderbolts.

Binuksan ng Bacolod Tay Tung ang kanilang kampanya sa 25-19, 26-28, 18-16 panalo laban sa University of Perpetual Help System Dalta noong Martes, matapos ang dikit na laban.

Umiskor si Briana Diaz ng walong puntos para sa Canossa Academy, na bumagsak sa 0-2.

Samantala, naitabla ng King’s Montessori ang kanilang marka sa 1-1 matapos walisin ang Lyceum of the Philippines University-Cavite, 25-19, 25-19, sa Pool A ng pinakamalaking grassroots volleyball league sa bansa.

Nakapasok naman sa win column ang De La Salle Zobel para sa 1-1 marka matapos dominahin ang Emilio Aguinaldo College, 25-12, 25-16, sa Pool D.

Sa Division 2, pinatatag ng University of Santo Tomas-B at University of Batangas High School ang kanilang tsansa sa quarterfinals matapos mapanatili ang pangunguna sa kani-kanilang grupo.

Winalis ng UST-B ang wala pang panalong St. Theresa’s College-QC, 25-16, 25-7, para sa ikatlong sunod na panalo sa Pool F, habang tinalo ng University of Batangas ang De La Salle Zobel-B, 25-12, 25-15, para sa malinis na 3-0 rekord sa Pool H.

Ginapi ng National University-Nazareth School ang St. Jude Parish School, 25-18, 25-12, upang manatiling walang talo matapos ang dalawang laro at manguna sa Pool G, habang nanaig ang Immaculate Conception Academy kontra PACE Academy, 25-13, 25-15, sa kanilang unang laro sa parehong grupo.

Umangat sa 2-1 marka ang San Beda University matapos durugin ang The Beacon Academy, 25-8, 25-5, sa Pool E.

Nakabawi ang St. John Institute-B mula sa pagkatalo sa unang araw matapos talunin ang St. Paul College-Pasig, 25-15, 22-25, 15-6, habang bumangon din ang Bacolod Tay Tung-B laban sa Sacred Heart School-Ateneo de Cebu, 22-25, 25-9, 15-11 sa Pool H.

Nakuha ng host La Salle Green Hills ang ikalawang panalo sa tatlong laro matapos igupo ang Everest International Academy, 25-18, 25-18, sa Pool F. ADRIAN CO